Home Headlines MASAKER SA NUEVA ECIJASimbahan nakidalamhati sa naulila

MASAKER SA NUEVA ECIJA
Simbahan nakidalamhati sa naulila

841
0
SHARE

CABANATUAN CITY – Nagpahayag ng pakikidalamhati ang Simbahang Katoliko sa mga naulila ng anim na napatay sa masaker na naganap nitong Biyernes ng madaling araw sa Barangay Tambo Adorable, San Leonardo, Nueva Ecija.

Sa opisyal na pahayag na may petsang April 22 na inisyu ni Bishop Sofronio Bancud ng Diocese of Cabanatuan, sinabi niya na ang kaparian, mga relihiyoso, at ang Diocesan Council of tbe Laity ng diyosis ay nagpapaabot ng taus-pusong pakikiramay sa mga mahal sa buhay ng mga biktima ng masaker.

Nagimbal aniya ang lahat sa malagim na pangyayari kung saan kabilang sa mga napatay ay dalawang bata.

Pinuri ni Bancud ang pulisya sa mabilis na aksiyon nito upang maiharap sa hustisya ang salarin na nakilalang si Jessie Tesoro, residente ng Capas, Tarlac.

Si Tesoro at ang kanyang karelasyon na si Jeniffer Cariaga at walo pang kapamilya ay nangupahan sa isang bahay sa San Leonardo upang magtrabaho sa kalamansian sa Tambo Adorable.

Idinadalangin rin ni Bishop Bancud na sa liwanag ng pananampalataya ay magasikap ang lahat sa pagsusulong ng kapayapaan at pagkakasundo ng sambayanan, pangangalaga ng biyaya ng buhay at pagkakaisa ng pamilya.

Samantala, todo magsisisi ngayon si Tesoro habang nakapiit sa detention facility ng San Leonardo police station.

Hindi raw siya makatulog dahil tuwing pipikit ang kanyang mga mata ay mistulang naririnig niya ang pagdaing ng mga biktima.

Ayon kay Chief Insp. Ranny Casilla, hepe ng SLPS, solved na ang kaso at nahaharap sa kasong multiple murder at frustrated murder si Tesoro.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here