Home Headlines Masaganang ani pambawi sa mataas na puhunan

Masaganang ani pambawi sa mataas na puhunan

1047
0
SHARE

Ipinapaliwanag ni SL Agritech supervisor Roberto Laya ang benepisyo sa paggamit ng hybrid na binhi. Kuha ni Armand Galang


 

LUNGSOD NG CABANATUAN – Mula sa P35,000 noong mga nakaraang taon, umangat sa halos P50,000 ang puhunan ng magsasakang si Lito Ayroso, sa kanyang isang ektaryang palayan sa Barangay San Isidro ng lungsod na ito ngayong tag-araw.

Dahil aniya ito sa sobrang pagtaas sa presyo ng mga gamit sa palayan, lalo na ang pataba at pestisidyo.

Sa kabila nito ay kampante si Ayroso na masusulit pa rin ang kanyang pagsisikap dahil sa inaasahang magandang ani ngayong taon dahil sa pagyakap sa teknolohiyang ibinabahagi ng gobyerno at mga pribadong eksperto, kabilang ang paggamit ng hybrid na binhi.

“Kailangan talaga ngayon ay sumabay sa teknolohiya para kumita kahit ganito na mataas ang puhunan at medyo mababa ang presyo ng palay,” ani Ayroso na isa sa mga unang nagtanim ng SL19H na isang hybrid na binhi mula sa SL Agritech.

Nitong Biyernes ay binisita ng mga opisyal ng city agriculture office sa pangunguna ng hepe nito na si Engr. Lenidia Reyes at SL Agritech Central Nueva Ecija supervisor Roberto Laya ang tanim sa SL19H ni Ayroso.

“Ngayon lang ako nakakita ng ganyan ang laglag ng uhay, napakaraming bunga. Mas marami po siyang butil saka may laman po siya pati batok,” paglalarawan ni Ayroso.

Bagama’t sa Linggo pa aanihin ang kanyang tanim ay naniniwala si Ayroso na higit na mataas ang kanyang aanihin ngayon kaysa dati. Naranasan na raw umani ng mahigit 200 kaban isang ektarya sa naunang bersiyon na SL8H.

“Tatlong ulit po yung dami ng inaani niya dun sa iba lalo na sa mga inbred. May tinesting na po kami sa bigas maganda naman ang kalidad,” dagdag niya.

Bilang city agriculturist ay sinabi ni Reyes na patuloy nilang itinuturo sa mga magsasaka ang mga bagong teknolohiya at marami na rin aniya ang nagsasagawa nito.

Ilang magsasaka sa lungsod ang nagawaran na rin ng parangal bilang highest yielder, kabilang sina Eduardo Policarpio na kinilala ring Magsasaka Siyentista ng Barangay Palagay at Severino Payumo ng Barangay Buliran.

Bukod sa mga training ay namamahagi rin ang gobyerno ng libreng hybrid seeds, kabilang ang mga produkto ng SL Agritech at abono, ayon kay Reyes.

 

Sa mga walang irigasyon ay nagbibigay rin ng shallow tube wells sa pamamagitan ni 3rd District Rep. Ria Vergara sa ikatlong distrito kung saan kabilang ang lungsod na ito, ayon sa kanya.

Sa kabila ng pagpasok ng mga negosyo ay nananatiling agrikultural ang lumgsod na ito na may 8,200 hectares na taniman mg palay tuwing dayatan o dry season o 9,000 hectares kapag tag-ulan o rainy season na sinasaka ng may 5,000 magsasaka.

Sa panig ng hybrid producer ay tiniyak ni Laya na nakatutok sila sa pangangailangang teknikal ng mga magsasaka lalo’t sa una ay di-maiwasan na nagdadalawang-isip pa ang mga ito.

“Lalo na ang mga sakahan natin ngayon ay hindi naman kalakihan, papaliit nang papaliit kaya ang makatutulong ay ang ganitong uri ng mga variety ay masubukan ng maraming mga magsasaka. Sa ganoong paraan, kahit maliit yung kanilang area ay makuha yung kanilang hinahangad na mapataas yung ani,” sabi ni Laya.

Kahit kasi, aniya, bumababa ang presyo ng palay ay kikita ang magsasaka kung makukuha ang tamang dami ng ani.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here