Mas maraming Taiwanese magnenegosyo sa Pinas

    321
    0
    SHARE
    MALOLOS—Mas maraming negosyanteng Taiwanese ang mamumuhunan sa bansa kung malalagdaan ang kasunduang pangkalakalan sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan.

    Ito ang naging pahayag ng pinuno ng Taipei Economic and Cultural Office (TECO) sa Pilipinas matapos mamahagi ng 50 wheelchair sa Bulacan.

    Kaugnay nito, nagbabala rin siya na ang pagsusulong ng China Asean Free Trade Agreement (CAFTA) ay isang paraan ng Mainland China para impluwensiyahan ang mga bansa sa Timog Silangang Asya.

    Ayon kay Donald C.T. Lee, ang kinatawan ng Taiwan sa Pilipinas, napipisil ng mga negosyanteng Taiwanese ang Pilipinas bilang panibagong investment destination.

    “They have invested more than $160-Billion in Mainland China and they want to diversify their investments and looking at the Philippines,” ani Lee sa panayam ng Mabuhay.

    Sinabi niya na mula pa noong 2008 ay hinihikayat na niya ang mga negosyanteng Taiwanese na mamuhunan sa Pilipinas dahil sa paniniwalang , “it’s a good time to invest in the Philippines.”

    Gayunpaman, iginiit ni Lee na higit na mas maraming negosyanteng Taiwanese ang magnenegosyo sa Pilipinas kung malalagdaan ang kasunduang pangkalakalan sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan.

    Sa kasalukuyan, sinabi niya na patong-patong na ang mga kasunduang pangkalakalang nilagdaan ng Taiwan at Pilipinas sa China; ngunit isang mang kasunduang pangkalaka-lan ay walang nalagdaan sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan.

    “Taiwan-China commercial trade and investment relations are becoming closer and closer, but the Philippines had not signed any agreement with Taiwan. If a trade agreement is signed between our countries, it will have stronger business relations, there will be a flood of investment from Taiwan to this country,” aniya.

    Kaugnay nito, sinabi ng ilang source na ang nakakapigil sa Pilipinas sa pormal na pakikipag-kalakalan sa Taiwan ay ang “one China policy”, na nangangahulugan na walang opisyal na diplomatikong relasyon ang bansa sa Taiwan.

    Ngunit batay sa impormasyon mula sa website ng Taiwan Embassy sa Pilipinas, umabot sa $7.035-bilyon ang halaga ng bilateral trade volume sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan noong 2008.

    Dahil dito, ang Taiwan ang lumalabas na pang-anim na trading partner ng Pilipinas; samantalang pang-14 na important trading partner ng Taiwan ang Pilipinas sa nasabi ring taon.

    Hinggil sa CAFTA na isinusulong ng Mainland China, sinabi ni Lee na ito ay isang pagpapakita ng lakas ng China upang impluwensiyahan ang mga bansa sa Timog Silangang Asya.

    “China is trying to exercise its economic muscle to influence countries in Southeast Asia, and now, China is trying to purchase more goods especially raw materials such iron, ore and minerals,” ani Lee.

    Nagbabala siya na maaring hindi maging maganda ang epekto nito sa ekonomiya ng bansa.
    “I would say that it’s not quite good for your economic development,” aniya at ipinayong dapat matutunan ng mga Pilipino na pagsama-samahin ang mga likas na yaman, magtayo ng mga pabrika upang ang ibebenta sa ibayong dagat ay finished products.

    Sinabi din ni Lee na kung magbebenta ng finished products ang mga Pilipino, makakalikha pa ito ng mga trabaho para sa mga Pilipino.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here