Mas marami ang pumuri

    338
    0
    SHARE

    TAMA LANG sa ganang akin ang ginawa
    ng isang Mayor sa Kalakhang Maynila,
    Na ayon sa isyu na napabalita
    ay medyo nakanti yata ng bahagya

    Ni Bistek ang isang na- entrap na Seng Hua
    sa ‘drug bust’ sa QC, na isinagawa
    sa Philcoa area at nakasama nga
    ang Alkalde sa pag-antabay ng kusa

    Sa pag-aresto ng Pulis Quezon City
    sa isang ‘expat’ Chinese nationality,
    Na nahulian sa dala niyang kotse
    Ng shabu, na tinatayang nasa kinse

    Milyones ang ‘street value’ ng naturang
    droga na nasamsam sa Intsik behong yan;
    At kung saan kaya lang siya nasampal
    ng city Dad dahil sa kanyang inasal

    Na tunay naman ding kawalang respeto
    ang di pagpansin sa pag-usisa mismo
    ni Mayor, kung kaya nabigwasan nito
    ng magkasunod na kanti ang damuho.

    Ikaw man bang ito ay di masosora
    sa animo’y pambabastos nitong kusa
    Kay Mayor Bautista ang di pagsagot nga
    Ng Tsino, at lahat parang bale-wala?

    Pasalamat nga siya’t ganun lang kagaan
    ang natikman niya dito sa’ting bayan,
    Kumpara sa lupit na nararansan
    sa kanilang bansa ng kaawa-awang

    Kababayan natin na napapahamak
    kapag nahulian ng kahalintulad
    ng kanilang dito dinadala’t sukat,
    pero ang parusa ay di kasing-bigat

    Ng ipinapataw nila sa kalipi
    natin sa Tsina at di na nakauwi
    Sa atin, dahil sa kaparehong sanhi
    ng naging kaso ng kanilang kalahi

    Kung saan dito ay ikinukulong lang
    ng gobyerno ang sinumang mahulian
    ng bawal na gamot at ibang iligal
    na gawain ang di natin kababayan;

    Pero kagaya nga ng ating nasabi,
    kapag tayo siyang doon ay nahuli
    sa bawal na gamot, tiyak ‘death penalty’
    kaagad ang hatol ng kanilang korte.

    Subalit kapagka’ Intsik ang gumawa
    ng ganitong bagay dito sa’ting bansa,
    Madalas, kundi man pinatakas kusa;
    yan ay naglalaho namang parang bula!

    At mayrun din namang idinideport lang
    kahit ‘heinous crime’ ang naging kasalanan,
    Kaya’t malakas ang loob ng mga iyan
    na bale-walain ang kahit anuman.

    Kasi nga, tama at mayrun tayong batas
    na marapat sundin sa lahat ng oras,
    Pero kung sinong itong mga bumalangkas
    ay siyang madalas na kusang lumalabag.

    At sana huwag namang mauwi sa wala
    ang usaping iyan na kung saan tila
    si Mayor Bistek ay napintasan yata
    ng iba nang dahil sa kanyang ginawa.

    Pero kung kami ang siyang tatanungin
    ay di kapintasan yan sa ganang amin,
    Kundi paghanga ang nakikita natin
    Sa katulad niyang marapat purihin!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here