LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Sentro sa payak na pag-alaala sa Ika-158 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni Heneral Isidoro Torres ang pagsusulong na mas mapalalim pa ang mga pag-aaral, pagtalakay at pagdalumat sa buhay at ginawa ng bayani.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Schools Division of the City of Malolos education program supervisor Salvador Lozano, sinimulan nang isama ang detalye ng mga naging papel ng mga bayaning Bulakenyo gaya ni Torres sa pagtalakay tungkol sa panahon ng rebolusyon laban sa mga Kastila.
Kung dati ay napag-uusapan lamang sa paksa tungkol sa rebolusyon ang mga pangunahing bayani, mas natatalakay ang mga hindi nababanggit na detalye na may kinalaman naman ang mga lokal na bayani.
Kabilang sa mga istratehiya ng DepEd ang inilunsad na Project Harayaan at Araling Panlipunan o AP Kolab Congress na magiging taunan nang isasagawa.
Nadagdagan pa ito ng pagkakaroon ng SINELiksik Hub Project sa mga aklatan sa mga pampublikong paaralan.
Isa itong proyekto ng Provincial History, Arts and Culture and Tourism Office na nagpapakilala ng makabagong pamamaraan ng pagtuturo ng lokal na kasaysayan upang lubos na makilala ang mga bayaning Bulakenyo.
Nakapaloob dito ang mga pamamaraan gaya ng paggawa ng dokumentasyon na maaaring mapanood sa mga social media platforms, pagpapaimprenta ng mga lokal na modules at pagkakaloob ng mga opisyal na larawan ng mga bayani na may nakalimbag na detalye.
Kaya naman para kay Malolos City Tourism Office focal person Roly Marcelino, nagsisimula nang mas makilala si Torres ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan dahil sa nasabing mga inisyatibo.
Karaniwang nakikilala lamang ang bayaning heneral sa kanyang monumento na ilang dekada nang nakatindig sa bungad ng pamilihang lungsod ng Malolos sa kabayanan.
Simbulo ito ng pagkilala kay Torres bilang unang taga-Malolos na humawak ng kapangyarihan bilang isang alcalde mayor ng Bulacan.
Katumbas ito ng posisyong gobernador o punong lalawigan sa kasalukuyang panahon.
Bago siya naging alcalde mayor, sumapi si Torres sa Katipunan noong 1892 kung saan nakabuo siya ng maraming mga sangay nito na tinawag na Sangguniang Lalawigang Balangay Apoy na may 6,000 kasapi.
Tinaguriang “Matanglawin” dahil nakilala si Torres bilang isang mabangis na pinunong kawal sa ilalim ng administrasyong Aguinaldo sa kasagsagan ng rebolusyon laban sa mga Kastila.
Nakita ang kanyang katapangan sa madudugong labanan sa Barasoain, tulay ng Bagbag at Calumpit, San Rafael, Binakod sa San Ildefonso at sa Biak-na-Bato sa San Miguel sa pagputok ng Rebolusyon ng 1896.
Hinirang si Torres ni Pangulong Emilio Aguinaldo bilang heneral noong Hunyo 1897 kung saan nagkaroon siya ng papel sa pagtatatag ng ngayo’y tinatawag na Hukbong Katihan ng Pilipinas.
Sa pagpapasinaya sa Unang Republika ng Pilipinas, pinangunahan niya ang parade ng nasa 6,000 kawal ng Hukbong Katihan sa Paseo del Congreso patungo sa simbahan ng Barasoain sa Malolos.
Nahalal din siyang kasapi ng Philippine Assembly noong 1907 na itinatag ng Pamahalaang Sibil ng Amerika sa Pilipinas. Namatay noong Disyembre 5, 1928 sa edad na 62. (CLJD/SFV-PIA 3)