1.
Ang Sierra Madre ay isang anyong lupa
na bulubunduking pinakamahaba
Ito ay sa dakong timog ang simula
at ang hangganan ay sa gawing hilaga
tila isang kawal itong nakadapa
na sa kalaban ay handang sumagupa
2.
Ang haba ng bundok magkabilang dulo
ay higit sa limang daang kilometro
sa angking lawak na taglay-taglay nito
naging pananggalang na natin sa bagyo
kung hindi sa kanya ay daranas tayo
ng kahindik-hindik na mga delubyo
3.
Bagyong si PEPITO nagkalasog-lasog
hindi pinaporma ng nasabing bundok
biglang nanghina at bumagal ang kilos
lumihis patungo ng ibang lupalop
kung baga sa aso nabahag ang buntot
tila nakatikim ng matinding dagok
4.
Sana’y pagyamanin ng pamahalaan
bulubundukin at mga kagubatan
pagputol ng puno ay dapat iwasan
at pagmimina sa mga kabundukan
sapagkat ito ang nagiging dahilan
pagguho ng lupa sa tuwing umuulan
5.
Kung wala ang bundok ay hindi hihina
nag-aalburutong hanging mapamuksa
hindi maglulubay sa pananalasa
ang alin mang bagyong tatama sa lupa
bundok Sierra Madre tanggulan ng bansa
na sa mga unos ay sumasagupa
6.
Bundok Sierra Madre ay tila BAYANI
na tagapagtanggol ng ina-aglahi
hindi sumusuko di nagpapagapi
sa bagyong sa bansa’y pumapasok lagi
tuwina’y nakaabang at titindig muli
upang ipaglalaban lahing KAYUMANGGI
7.
Bundok SIERRA MADRE maraming salamat
sa pakikibakang walang pagkatinag
hindi palulupig at hindi aatras
kahit ang kalaban ay ubod ng lakas
Isa kang biyaya’t SANDIGAN ng lahat
handog ng langit sa bansang PILIPINAS