Mar Roxas, Korina Sanchez legal nang mag-asawa

    502
    0
    SHARE
    Sa wakas, nauwi na rin sa isang simpleng kasalan kahapon ng hapon ang limang taong relasyon ng broadcaster na si Korina Sanchez kay Senador Mar Roxas.

    Ginanap ang seremonya sa makasaysayang Sto. Domingo Church bandang alas-kuwatro ng hapon. Maagang dumating sa simbahan ang ilan sa mga taong malapit kay Korina tulad ni Kris Aquino kasama ang asawang si James Yap at ang anak na si Baby James na tumayong ring bearer.

    Naunang dumating sa simbahan si Sen. Mar. Habang nagmamartsa papuntang altar,Kinanta ng Madrigal Singers ang Ave Maria. Inihatid siya ng panganay na anak na lalaki at ng  inang si Judy Araneta.Bandang 4:22 naman nagsimulang magmartsa si Korina papuntang altar kasama ang kapatid na si Ricky Sanchez.

    Ang ganda-ganda ni Korina sa simple pero eleganteng gown na gawa ni Pepito Albert. Habang naglalakad, kinanta naman ng Madrigal Singers ang Umagang Kay Ganda, na ni-request daw mismo ng bride.Bago ginanap ang seremonya, nag-text pa si Korina sa groom niya at sinabing ipagdasal siya na huwag  madapa habang nagmamartsa.

    Nakatakdang gawin ang walong araw na honeymoon ng bagong mag-asawa sa Japan. Pero balak din daw nilang magkaroon ng second honeymoon sa isang malayu-layong lugar. Hindi na idinetalye pa ng dalawa kung saan ito.

    Samantala, matatandaang binalak ng couple na gawin sa Aaneta Coliseum ang weddingreception, pero dahil sa nagdaang mga kalamidad, nagdesisyon silang kanselahin ito.

    Sa halip daw na gastusin sa isang magarbong reception ang pera, napagkasunduan nilang i-donate na lang ito sa various charitable organizations na nangangalaga sa evacuees ng Typhoon Ondoy at Pepeng.

    Napili nina Mar at Korina ang Caritas Manila, Philippine National Red Cross, Sagip Kapamilya ng ABS-CBN at Kapuso Foundation ng GMA-7 para paghandugan ng donasyon.Ngayong Mrs. Roxas na si Korina, pansamantala  itong hindi magiging aktibo sa telebisyon at radio.

    Pero aniya, ipagpapatuloy pa rin niya ang pagbibigay ng public service sa mga kababayan.Samantala, magiging abala naman si Sen. Roxas sa kampanya bilang running mate ng tumayong ninong nila sa kasal, ang presidentiable na si Sen. Noynoy Aquino, sa 2010 elections.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here