Sa kahilingan ng kampo ni Arroyo,
Na i-house arrest na lang ang dating Pangulo,
Kaysa VMH siya patagalin husto
At di gumawa ng kaukulang aksyon
Si PNoy para niya mabigyan ng pabor
Na makauwi si Mam Gloria sa Lubao,
Ya’y dagok sa manok ng Administration
Para maka-asa sila ng panalo
Sa Pampanga pagkat sila na rin mismo
Ang parang gumawa sa sariling nitso
Ni Mar, sa masaklap niyang pagkatalo.
At kapagka itong katawagang ‘resbak’
Ang umiral at siya ang medyo minalas,
Baka higit pa sa kirot na dinanas
Ni CGMA ay matikman at sukat
Gayon din sa hindi pagpayag ilibing
Si Apo Lakay ng rehimeng Aquino rin
Sa libingan ng mga bayani natin,
Yan sa isang banda ay may ‘side effect’ din.
Walang katiyakan ang lahat ng bagay,
Sa ibabaw ng mundo na ginagalawan
Ng mga mahina’t makapangyarihan,
Pagkat ang lahat na ay may katapusan.
Kaya kung tayo man sa panahong ito
Ay nakaluklok sa isang gintong trono,
Huwag naman din tayong pakasisiguro
Na mananatili tayo sa ganito.
Pana-panahon lang at ang lahat na nga
Pabago-bago sa ibabaw ng lupa,
Kung tayo man ngayon ay balot ng tuwa,
Bukas ang lahat ay maaring mawala.
Si Marcos sa loob ng mahabang taon,
Nagmistulang hari nang maging diktador,
Pero nagwakas ang lahat nang bumangon
Sa pagkagupiling ang maraming Pinoy.
At kung saan nilisan ang Malakanyang
Ng mga Marcos nang di na n’yan makayang
Pigilin ang nagwawalang taongbayan,
Upang ang pagdanak ng dugo iwasan.
Anong dapat ipangamba ni Aquino
Sa kahilingan ng kampo ni Arroyo
Na i-house arrest na lang dating Pangulo
Kaysa BMH nga niya buruhin ito?
Dapat niyang isipin akusado pa lang
Si CGMA sa kasong ibinibintang,
Kaya hangga’t hindi pa napatunayan
Di pa maituturing na nagkasala yan.
Eh bakit si Ninoy ay nahatulan na
Ng ‘death by musketry’ ay pinayagan pa
Ni Marcos upang sa State ay magpunta
Para lamang doon siya magpa-opera?
Samantalang itong ngayo’y kahilingan
Ni Former President Gloria Macapagal
Ay ‘house arrest’ nga lang di pa mapagbigyan,
Ya’y panggigipit na sa ating kabayan.
Kung kaya posibleng ang epekto nito:
Si Roxas, na manok ni BS Aquino,
Ang siyang daranas ng grabeng pagkatalo
Sa Pampanga at sa (Ilocos siguro!)