MAKALIPAS ANG 48 taon matapos i-deklara ang Batas Militar sa bansa at 34 na taon naman mula nang bumagsak ang diktaturyang Marcos, maraming pagtatangka pa rin mula sa iba’t ibang kampo ang sumusubok baguhin ang madilim na yugto ng ating kasaysayan. Marami rin ang naghuhugas-kamay sa mga pang-aabuso’t karahasang nangyari na mismong estado ang gumawa laban sa taumbayan.
Bilang isa sa mga institusyong itinatag upang magbantay at pigilan ang muling pagsasailalim natin sa mapanupil na pamamalakad, matinding pakikiisa ang ipinaparating ng Komisyon sa mga Karapatang Pantao sa bawat Pilipino na patuloy na naninindigan laban sa paninikil ng ating mga karapatan at kalayaan.
Hindi nakasalalay sa mga institusyon lamang ang paggigiit ng karapatan at pagbabantay sa pagmamalabis sa kapangyarihan. Bawat isa sa atin ay kinakailangang maging kritikal at mapagmatyag sa mga ipinapalaganap na kasinungalingan ng mga mapagsamantala at walang tunay na malasakit sa masa.
Madaling maging biktima ng naratibong umunlad ang Pilipinas sa ilalim ng diktadurya. Kaunlaran bang maituturing ang pagpaslang at pananakit sa libu-libong indibidwal na nagsalita’t umaksyon laban sa mga kalabisan? Maaaring karamihan sa atin ay hindi direktang nakita o naranasan ang mga pang-aabusong nangyari. Subalit hindi ibig sabihin na hindi mo naranasan, hindi ka na makikialam.
Habang patuloy na ginagawang mapanghati ang usapin ng Batas Militar, bakit hindi natin suriin ang pwersang nasa likod ng pagpapatupad nito at kung sino nga ba ang tunay na nakinabang. Hindi dapat tayo magpadala sa ginagawang panglilito sa tao tungkol mga tunay na nangyari sa panahong iyon. Hindi ito dahilan upang magbunga lalo ng pagkakawatak-watak sa bansa. Kabilang sa mga pilit itinatanggi ng iilan ay ang mga paglabag sa mga karapatang pantao ng nakaraang diktadurya na gobyerno na mismo ang kumilala at umaalala sa pamamagitan ng pagpapasa ng Human Rights Victims Reparation and Recognition Act noong 2013.
Bagama’t mahigit apat na dekada na ang nakalipas, nananatili pa rin ang sakit at pangungulila ng mga pamilya ng mga taong inalisan ng buhay at pinatahimik ng administrasyong Marcos. Walang mangyayaring paghilom kung hindi natin kolektibong kikilalanin ang mga hindi makataong pagtrato sa mga nagpahayag ng pagtaliwas. Hindi natin madidepensahan ang ating mga kalayaa’t mga karapatan kung hindi natin isasabuhay ang mga aral na ipinakita na mismo sa atin ng kasaysayan.
Ngayong nasasadlak ang bansa at buong mundo sa isang pangkalusugang krisis, mahalagang malasakit sa tao at pagpapahalaga sa dignidad ng lahat ang gawing gabay natin bilang isang lipunan. Hindi nakukuha sa dahas ang solusyon at kapayapaan. Hindi magagamot ng baril ang mga may sakit, at hindi pagmamalupit ang mag-aahon sa atin mula sa hirap. Sa huli’t huli, nakita na natin kung gaano kalakas ang puwersa ng taumbayan kapag sinabi nating tama na, sobra na ang panggigipit. Kaya obligasyon mo bilang isang Pilipino na huwag hayaang makuha ninuman ang kapangyarihang mayroon tayo bilang mga mamamayan.
(Pahayag ni CHR sa ika-48 taong pag-alaala ng deklarasyon ng Batas Militar)