Home Headlines Mangrove Rehab Project, ilulunsad ng BFAR sa Hagonoy

Mangrove Rehab Project, ilulunsad ng BFAR sa Hagonoy

719
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS — Nakatakdang ilunsad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ang Mangrove Rehabilitation Project sa bayan ng Hagonoy sa Bulacan.

Ito ang kinumpirma ni Agriculture Undersecretary for Agri-Industrialization and Fisheries Cheryl Marie Natividad-Caballero matapos siyang magsagawa ng site validation sa nasa 150 ektaryang magkahiwalay na coastal at fishing community na matatagpuang sa barangay Tibagin.

Nagsagawa ng site validation si Agriculture Undersecretary for Agri-Industrialization and Fisheries Cheryl Marie Natividad-Caballero (kaliwa) para sa Mangrove Rehabilitation Project sa bayan ng Hagonoy sa Bulacan. (BFAR)

Layunin ng proyekto na ipatutupad sa pakikipagtulungan sa Department of Agriculture at National Fisheries Research and Development Institute na magkaroon ng pananggalang sa kalamidad at pagbahang dulot ng high tide ang mga residente.

Kasama si BFAR Regional Director Wilfredo Cruz, BFAR Bulacan Provincial Officer Joseph Bitara, mga opisyal ng pamahalaang bayan ng Hagonoy at ilang miyembro ng Municipal Fisheries and Aquatic Resource Management Council, siniyasat ni Natividad-Caballero ang mga lugar na pagtatamnan ng bakawan.

Dito ay ipinakita ang mayamang industriya ng talaba sa Hagonoy at kaakibat nito ang pag-aangkat ng kawayan mula sa iba pang bayan sa Bulacan.

Kagyat namang nabatid ni Natividad-Caballero ang potensyal na maaaring ihatid ng proyekto sa komunidad sakaling matagumpay aniya itong maisagawa.

Iminungkahi niyang tamanan na rin ng kaparehong species ng kawayan ang mga lugar kung saan isasagawa ang proyektong rehabilitasyon upang magkaroon din ng karagdang pagkakakitaan ang mga mangingisda sa lugar.

Ikinagalak naman ng Municipal Agriculture Officer ng bayan na si Cristina Manio na binibigyang prayoridad ng pambansang pamahalaan ang kaligtasan ng mga residente ng Hagonoy lalong-lalo na ng mga kabilang sa sektor ng pangisdaan.

Nasa 8,400 ektarya ang nakatalaga sa produksyon ng aquaculture sa Hagonoy. Humigit kumulang 10,000 mangingisda rin ang inaasahang makikinabang sa magagandang epekto ng mga itatanim na bakawan.

Bukod aniya sa kabuhayan at pamumuhay ng mga taga-Hagonoy maaari rin umunlad ang turismo sa kanilang munisipalidad sakaling maisagawa ang proyekto na maaaring lumikha ng panibagong pagkakakitaan para sa mamamayan. (CLJD-PIA 3)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here