MARIVELES, Bataan – Abalang-abala sa panghuhuli ng isdang tanigue ang magkapatid sa magkahiwalay na maliit na bangkang de motor sa tahimik na dagat sa Camaya Coast sa Mariveles, Bataan Linggo ng hapon.
Subalit bago magtakip-silim, nagulat na lamang si Mario Cereza, 43, ng Zone 3 sa barangay Camaya, Mariveles ng biglang umulan ng malakas kasabay ng malalakas na kulog at pagkidlat.
Sa lakas ng ulan halos hindi na maaninag ni Mario ang matandang kapatid na si Reynaldo Cereza, 45, na nasa kabilang bangka mga 50 metro ang layo sa kanya. Ngunit ang malinaw na malinaw kay Mario ay ang pagsasalimbayan ng tila nagngingitngit na kidlat sa tapat ng bangka ng kanyang kuya.
“Nakaramdam ako ng ground sa kamay kaya nabitawan ko ang pagkakahawak sa timon,” ani Mario. Nadurog umano ang bangka ng kanyang kapatid at nag-apoy ang makina nito.
Sunog ang kanang bahagi ng katawan mula sa braso pababa ng panganay na Cereza. Butas ang makapal na overall na gawa sa maong na suot ng biktima at walang buhay ng iahon sa lumubog na bangka nito.
“Sanay kami sa kulog at kidlat sa dagat at sa tagal ng pangingisda namin, hindi naming alam na nakamamatay ito kundi ngayon lamang kaya ang bilin ko sa mga pamangkin kong nangingisda sa dagat na agad umahon kapag sumama na ang panahon, ” ani Mario.
“Sa dinami-dami ng dapat tamaan ng kidlat tulad ng mga kahoy, bakit ang kapatid ko pa?,” himutok na sabi ng batang kapatid.
Tumatangis naman si Edna Cereza sa sinapit ng kanyang asawa na aniya’y napakasipag na nangingisda halos araw at gabi upang buhayin ang walo nilang anak. “Paano na kami ngayon?,” daing ng babae.