Mangingisda sa Bataan dumaraing dahil sa habagat

    314
    0
    SHARE

    ORION, Bataan- Hindi pa binabagyo ang Bataan subalit maraming mangingisda tulad na lamang sa bayang ito ang dumaraing nitong Sabado dahil sa epekto ng habagat sa kanilang kabuhayan.

    Ayon kay Reny Lintag, 49, ng barangay Lusungan, Orion, halos mag-iisang buwan nang mahina ang kanilang pamamalakaya dahil sa tumitinding habagat na nagpapalaki ng mga alon sa laot.

    Ang mga mangingisda, aniya, lalo na ang gamit ay bangkang de sagwan, ay lumalabas sa dagat ng alas-5 ng madaling araw ngunit napipilitang bumalik agad dahil sa pagbira ng habagat ng alas-8 o alas-9 pa lamang ng umaga.

    Ang dati nilang huling isda na halagang P300 ay P100 na lamang at kung minsan ay talo pa. Dati-rati, aniya, ay nasa laot sila ng hanggang alas-11 ng tanghali. “Sana pag-ukulan ng pansin ng pamahalaan ang mga mangingisda ng kahit kaunting biyaya dahil may kalamidad ngayon,” panawagan ni Lintag.

    Sinabi naman ni Jimmy Espina, 50, na ang kinakain nila ng ilang araw na ay halaan. “Kapag ang ulam ng mangingisda ay shell, ibig sabihin niyan walang huling isda,” sabi nito habang ipinapakita ang lutong laman ng halaan na kinakain nilang mag-asawa.

    Napakadilikado raw pumalaot dahil ang tulak ng habagat ay palaot na hindi kaya ng mga bangkang de sagwan.

    Hindi lamang ang mga mangingisdang gumagamit ng bangkang de sagwan ang nagrereklamo kundi pati na ang gumagamit ng malalaking bangkang de makina. Isa rito si Alberto Dawal, 60, na namamakyaw ng isda upang
    dalhin sa Malabon kung saan, aniya, medyo maganda ang presyo ng isda.

    “Sapalaran lamang ang pagtawid namin papuntang Malabon kapag may habagat. Malalaki ang alon at napakahirap,” sabi ni Dawal.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here