Si Vice Gov. Lilia “Nanay” Pineda habang nagbibigay ng pagkilala sa mga bantay-bayan at mangangalakal. Kuha ni Jun Jaso
LUNGSOD NG SAN FERNANDO — Nasa 905 na mangangalakal mula sa una, ikatlo, at ika-apat na distrito ng Pampanga at 1,739 na bantay-bayan naman mula unang distrito ang binigyan ng cash assistance at food packs nitong Huwebes.
Personal na binigyan ng pagkilala at pasasalamat nina Gov. Dennis “Delta” Pineda at Vice Gov. Lilia “Nanay” Pineda ang mga mangangalakal at bantay-bayan sa kanilang “walang sawang pakikipagtulungan sa pamahalaang panlalawigan sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa Pampanga.”
Ayon kay Cirilo Macalino, mangangalakal mula sa bayan ng Arayat, napakalaking tulong ng taunang suportang ibinibigay nina Governor Delta at Vice Governor Nanay sa mga gaya niyang salat sa buhay.
“Nagpapasalamat po ako kay Governor Delta at Nanay para sa kanilang kabutihan at suportang patuloy na ibinibigay sa amin. Malaking tulong at biyaya po ito sa amin, sana po ay hindi kayo magsawa. Mahal na mahal po namin kayo! Dahil po sa mga tulong ninyo, kahit paano ay nakakaraos kami,” ani Macalino.
Samantala, nangako naman ang gobernador at bise gobernador na hindi pababayaan ang mga mangangalakal at bantay-bayan sa probinsiya. Mananatiling nakaantabay ang mga ito para tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga itinuturing na kakampi ng pamahalaan sa usaping kalinisan at kaayusan ng mga pamayanan. Pampanga PIO