Ayon kay Ramon Domingo, 31 taon nang manggagawa sa asinan, ang pinakamataas na benta ng asin sa ngayon ay P120 kada sako at umaabot pa sa pinakamababa na P60 kada sako kapag dagsa ang ani ng asin kapag maganda ang panahon. Sa kasalukuyan ay wala daw pirming halaga ito depende sa dami ng ani at humahango.
Ngunit kapag tataasan daw ang buwis ng mga produktong ginagamitan ng asin ay nangangamba ang mga manggagawa na baka humina ang bentahan nito at kalaunan ay mawalan pa sila ng trabaho.
Aniya, mataas na nga ang taunang binabayaran nila sa amilyar ng palaisdaan na nasa P60,000 kada ektarya ay lalo silang maapektuhan kapag humina ang bentahan ng asin dahil sa mataas na buwis.
Panawagan nila sa gobyerno na sana daw ay huwag gaanong taasan ang buwis ng mga produktong ginagamitan ng asin upang hindi sila maapektuhan o mawalan ng trabaho.