Manaig nawa ang katotohanan

    384
    0
    SHARE

    NGAYONG nasampahan na ng kaukulang
    sakdal si Napoles sa Sandigangbayan,
    marahil may iba pang maituro yan
    na nangumisyon din sa ‘pork barrel scam’

    Kundi man direktang sila’y nakaharap
    ni Janet hinggil sa isyu r’yan ng PDAF,
    pero nakinabang din at nakahawak
    ng milyones mula sa pinaka-utak

    Ng naturang ‘scam’ – na hinihinalang
    baka kabilang sa manhik, manaog d’yan
    sa Palasyo kaya di makanti man lang
    ng basta kung sino ang opisyal na yan

    Ikaw man ba itong sumandal sa pader
    na katulad nitong isa sa ‘confident’
    ni Ate, pero kakampi ka na ni Sir,
    makakaya nga bang ikaw ay takutin?

    Kung kaya naman ang hindi ka-alyado
    na isinasangkot ni Napoles mismo
    ay balisa na at di malaman nito
    kung saang dako ng daigdig tutungo?

    Kung di n’yan makayang sarili’y iligtas
    sa pagkakadawit sa isyu ng PDAF,
    sanhi ng kanilang pagkadawit sukat
    kundi man sila ay direktang kasabwat

    Dahilan na rin sa ang pumasok basta
    sa anumang bagay na maanomalya
    ay tunay naman ding malapit kumbaga
    sa sakit ng ulo’t malaking disgrasya

    Na kadalasan ay karsel ang hantungan
    kapag nasilat at walang matakbuhan
    sa oras na sila’y manganib sa isang
    grabeng pangyayaring di inaasahan.

    Tulad halimbawa nina Bong Revilla,
    Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada,
    Na ngayon pa lamang ay nakahanda na
    ang pasilidad na paglalagyan nila

    Oras na lumabas ang ‘warrant of arrest’
    at sila ay agad na ipadarakip,
    ng Sandigangbayan o ‘Department of Justice,’
    bagama’t sila ay di pa nalilitis.

    Di ko sinasabing ang tatlong Senador
    ay nagkasala nga yan ng pandarambong,
    pero mas malamang sila’y makukulong,
    bago ang sarili ay maipagtanggol

    At kahit di pa man napapatunayan
    na nagkasala yan sa ibinibintang,
    bunsod na rin nitong ang asuntong ganyan
    ay karaniwan ng di puedeng pyansahan

    (Tiyak kalaboso muna itong ‘accused’
    sa isang ‘heinous crime,’ kaya walang lusot
    ang itinuturong mga nangurakot,
    kung mapatunayan na talagang sangkot).

    Aywan lang kung lahat ng nasa listahan
    ni Napoles o ni Luy ay sabay-sabay
    na ipadarakip ng Sandigangbayan,
    kahit di malinaw ang pagkasangkot n’yan

    Dala ng posibleng sila’y idinawit
    nga lamang nitong si Janet Lim-Napoles
    upang ang DOJ ay kanyang mapilit
    na payagan siyang maging ‘star witness’

    Pero ano pa man ang kahahantungan
    ng imbestigasyon sa nasabing ‘scam,’
    huwag nawang ang grabeng kasinungalingan
    ang manaig, kundi ang katotohanan!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here