LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Magsisilbing bantayog ng sining, kultura, kalinangan at kasaysayan ang bagong tayo na Malolos Digital Arts Center sa harapan ng City Government Center.
Naitayo ito sa istratehikong lokasyon at may disenyo na hindi lamang maipapamalas ang mayamang sining kundi masasaksihan ng karaniwang mga mamamayan dahil bukas ito saan mang panig madaanan.
Ayon kay City of Malolos Arts, Culture, Tourism and Sports Office spokesperson Jose Roly Marcelino, inaasahan na hahatak ito ng atraksiyon at inspirasyon lalo na sa mga kabataan, na maging kaisa o maging bahagi sa pagsusulong na mapalakas ang pagpapalaganap sa sining, kultura, kalinangan at kasaysayan ng Malolos at maging ng Bulacan sa kabuuan.
![](https://punto.com.ph/wp-content/uploads/2025/02/02-CAPTION-3-1024x577.jpg)
Base sa disenyo ng City Architect’s Office, isa itong open-air venue na akmang akma sa tropikal na klima ng bansa.
Maaari itong magamit nang walang bubong o kaya nama’y lalatagan ng bubong na yari sa Tensil Fabric na inangkat pa mula sa Europa.
Gawa sa bricks ang sahig nito kung saan ang gitnang bahagi ay pinatutubuan ng damong kalabaw na magiging maberde kapag naulanan at nasikatan ng araw.
Target itong palibutan ng mga puno na inaasahang magbibigay ng malamig na temperatura at sariwang hangin kapag napuno ito ng mga taong manonood.
Hindi ito nilagyan ng anumang uri ng permanenteng upuan upang mas magamit ng lahat ang espasyo.
Wala rin itong partikular na pasukan o labasan dahil maaaring pumunta rito saan mang direksiyon dumaan.
Base sa pagtataya ng bilang ng mga nakiisa at nanood sa ginanap na Dulansangan nitong Fiesta Republika, pwedeng umabot sa 500 katao ang kayang malulan dito kung nakaupo. Maaari namang umabot sa isang libong katao kung lahat ay nakatayo.
Isinama namang bahagi ng pangalan ng bagong istraktura ang salitang ‘Digital’ dahil mayroon itong LED Wall.
May halagang P35 milyon ang ipinagkaloob ng Department of Budget and Management sa pamahalaang lungsod ng Malolos mula sa Pambansang Badyet ng 2024. Naitayo ito sa tulong ng Department of Public Works and Highways. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)