Home Opinion Maling pamalakad ang sanhi madalas

Maling pamalakad ang sanhi madalas

1124
0
SHARE

ANG pabago-bagong mga panuntunan
ng ilang ahensya ng pamahalaan,
gaya ng sa MMDA, kadalasan
ang mitsa ng bagay na nasasayang lang.

Isa sa protocol n’yan ang magka-angkas,
sa motorsiklo na may harang yan dapat
sa pagitan nitong driver at ng angkas,
na isinantabi ang pagpapatupad.

Di na nanghuli ng naka-motorsiklo
na walang ‘acrylic barrier,’ – na aywan ko
kung ‘yan para bang inilagay nito
sa di dapat pagkagastahan ang tao?

Kasi, bagama’t di malaking halaga
itong sa ganyan ay perang naaksaya
tulad halimbawa r’yan sa mag-asawa,
nasayang lang, at ang ‘barrier’ patapon na.

Nang dahil sa palpak na alituntunin
ng ahensyang ito na perwisyo sa ‘ting
mga manggagawang ang sueldo katiting
nagamit sa hindi nila dapat bilhin?

Sanhi lamang r’yan ng padalus-dalos
na pagpapalabas ng agarang utos
nitong MMDA, pero pagkatapos
itinigil nang walang kaabug-abog!

ITONG isyu hinggil sa kung sino dapat
mabigyang ayuda, na ang tawag ay SAP,
tama bang kung alin pa r’yan ang mahirap
itong kahit barya hindi nakatanggap?

At itong may pera’t pirming hanapbuhay,
kamag-anak r’yan ng barangay opisyal,
at ibang malapit kay Kap ang nabigyan,
nitong kung tawagin ay tulong pinansyal?

Ang lalong kawawa na isinantabi
ng gobyerno o ng DSWD,
ay ang mga ‘seniors’ at PWD
na di naalala man lang na isinali?

At kahit barya lang ay di naambunan
ang ‘seniors’ dahil sa itinuring silang
mga pensyonado sa kaunting halagang
ni pambili nila ng gamot ay kulang.?

Pension ba naman na ating matatawag,
ang ibinibigay na ‘Php 500.00 a month,’
na wala pang ‘Php 20.00 ang katumbas
kung ating i-‘divide’ yan sa treynta dias?

Doblihin man nila o gawing singkwenta
pesos isang araw, yan ay di kakasya
para pambili ng gamot sa rayuma?
o ng mumurahing klaseng bitamina.

Huwag ikatwiran ng ating gobyerno
na ang kabangbayan ay kapos sa pondo,
pagkat lumitaw ang talagang totoo,
nitong ang pandemyang sakit naparito.

Dangan nga lang kahit pa man siksik, liglig
ang laman ng kaha, ‘yan sa kakukupit
ng mga dorobo at mga limatik
sa gobyerno ano pang puedeng masungkit?

At kung milyones na itong araw-araw
sa pondo ng bayan nila ninanakaw,
bundok man kataas, pagdating ng araw,
ni ang tuktok nito ay di na matanaw?!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here