Home Opinion Malaya mang maituturing…

Malaya mang maituturing…

2382
0
SHARE

MAINIT AT buong pusong pagbati ng Maligayang Araw ng Kalayaan ang ipinapaabot ng Komisyon sa mga Karapatang Pantao sa bawat mamamayang Pilipino.

Kung babalikang-tanaw ang mga pangyayaring naganap bago ang pagdedeklara ng ating kasarinlan, ang labis na pang-aabuso ng mga Espanyol sa mga Pilipino ang nag-udyok sa ating mga bayani upang buong tapang nilang harapin ang malupit na pamahalaang kolonyal. Sa mahigit tatlong siglo ng pagkasakop, nakaranas ang ating mga ninuno ng iba’t ibang uri ng pagmamalabis gaya ng sapilitang paggawa, hindi makatarungang taas ng buwis, pagsupil sa karapatang makapagpahayag ng mga petisyon laban sa polisiya ng pamahalaan, at samu’t sari pang uri ng pang-aapi.

Sa kasalukuyan, kakaibang hamon ang hinaharap natin bilang isang bansa. Ang ating kalaban, hindi man nakikita, ay unti-unting inuubos ang ating yaman at patuloy na kumikitil ng buhay. Malaya man tayong maituturing, subalit ang patuloy na pagkabigo natin bilang isang lipunan na tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng ating kapwa at pagsisiguro ng disenteng pamumuhay ng bawat isa, ang nagtatali sa ating mga kamay sa kawalang hustisya’t kahirapan. Pagkain, edukasyon, trabaho, malusog na pangangatawan, at kapayapaan ang ilan lamang sa araw-araw nating inaasam-asam para sa ating baya’t mga sarili. Gusto lang naman nating lahat na mabuhay nang may dignidad.

Buhay ang kapalit ng kalayaan na tinatamasa natin sa ngayon. Huwag naman sanang buhay rin ang kailanganin upang madepensahan ang mga karapatang naging bunga ng mga pagpapagal ng mga naunang Pilipino. Maaaring malayong alaala na ito sa ating kasaysaya’t kamalayan, subalit kinakailangan natin bumalik sa mga pangyayaring ito upang ipaalala sa ating mga sarili na walang pang-aapi kung walang magpapa-api at walang karahasan kung walang magpapadahas.

Hindi naaalis ang banta ng pananakop. Laging nakaambang ang panganib na susubok sa ating pagkakaisa bilang isang bayan. Kung darating man ang yugtong iyon, nawa’y piliin natin ang panig ng kasaysayan na kumikiling sa tunay na interes ng taumbayan—hindi ng iilan, at hindi ng mga ganid at mapagsamantala.

Mahaba-haba man ang panahon ng pagtitiis, nagawang lumaya ng mga Pilipino mula sa kamay na bakal ng mga dayuhan. Sa patutuloy na pagmumulat gamit ang katotohanan, saan at saan pa’y mapupukaw din sa pagkakahimbing ang kamalayang nakakalimot at napapanghinaan ng loob. Upang hindi na natin muling maranasan pa ang malawakang panggagapi, kailangan nating manalig muli at panghawakan ang kapangyarihan ng sama-sama nating paggigiit. Nasa taumbayan ang lakas, nasa atin ang pagpapasya.  Hindi lamang ito para sa kasalukuyang henerasyon subalit para sa mga susunod na salinlahi na magmamana ng ating mga ipinaglalaban. Ang tanging maiiwan lamang natin sa kanila ay ang pinanghahawakan nating pangarap na mabubuhay sila nang malaya’t may kaginhawaan sa kanilang sariling bayan.

Muli, mabuhay ang malayang mamamayang Pilipino!

(Pahayagng CHR sa paggunita ng ika-122 Anibersaryo ng Deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here