LUNGSOD NG MALOLOS—Libo-libong Bulakenyo kabilang ang mga mag-aaral at kasapi ng ibat-ibang pribadong samahan ang inaasahang makikilahok sa malawakang pagtatanim ng bakawan sa baybayin ng lalawigan.
Sa kasalukuyan, matatapos na ang planong inihahanda ng Kapitolyo para sa pagpapatupad ng proyektong nakadisenyo sa proteksyon ng mga pamayanan sa baybayin ng Bulacan.
Samantala, nakatakda namang magsagawa ng isang fund-raising campaign ang Sigla Movement of the Philippines (SMP) bilang suporta sa nasabing proyekto kaugnay ng panawagan samga kandidato sa halalan sa Mayo na isama sa kanilang plataporma ang pangangalaga at pagpapaunlad sa mga barangay sa tabing dagat na karaniwang nakakalimutan.
Ayon kay Gob. Wilhelmino Avarado, aabot sa 300,000 binhi ng bakawan ang nakahandang itanim ng Kapitolyo sa taong ito.
Ang mga nasabing binhi ay donasyon ng Eco-Shield Corp., ang kumpanyang nangunguna sa pagtatayo ng Bulacan sanitary landfill sa Barangay Salambao sa bayan ng Obando.
Sa kanyang pahayag sa Radyo Bulacan noong Sabado, sinabi ng punong lalawigan na ang unang dalawang buwan ng taon ang tamang panahon sa pagtatanim ng bakawan dahil ang hanging amihan ay umiihip sa direksyong palayo sa dalampasigan ng Manila Bay.
Kung kalagitnaan naman ng taon, ang direksyon ng ihip ng hanging habagat ay patungo sa dalampasigan kaya’t ang alon ay humahampas doon at posibleng mapinsala ang mga bagong tanim na binhi ng bakawan.
Bilang isang beterano sa larangan ng pamamalaisdaan, iginiit ng gobernador na mas malaki ang posibilidad na mabuhay ang mga binhi na itinanim sa unang dalawang buwan ng taon dahil mas mababa ang tubig sa araw o low tide.
Ito ay inayunan din nina Kagawad Alfredo Lunes ng Barangay Puigad sa bayan ng Hagonoy na nagsabing kung mas maagang maitatanim ang mga binhi ng bakawan ay malaki ang posibilidad na mabuhay ito dahil sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan ay nakakaipit na ang mga ugat nito sa lupa.
Dahil sa nalalapit na ang pagbabago ng ihip ng hangin o ang pagdating ng hanging habagat, sinabi ni Alvarado na dapat madaliin ang pagtatanim.
“We really have to accelerate the transplanting to ensure high survival rate of the seedlings,” aniya.
Dahil dito, itinalaga niya si Provincial Administrator Jim Valerio bilang tagapamuno ng isang Task Force na mangunguna sa pagtatanim ng bakawan, na siya ring makikipag-ugnayan sa mga non-governmental organizations NGO at kinatawan ng iba pang sektor.
Nagpahayag naman ng pagsuporta at pakikiisa ang Sigla Movement of the Philippines (SMP) sa nasabing proyekto.
Ayon kay Gorssman Dax Uy, tagapangulo ng ng SMP, napapanahon ang pagtatanim ng bakawan dahil sa unti-unting nasisira ng malalaking alon mula sa dagat ang mga pamayanan sa baybayin ng Bulacan.
Batay sa impormasyong naipon ng SMP, sinabi ni Uy na sa loob ng nagdaang 10 taon, mahigit sa 100 ektaryang palaisdaan sa baybayin ng Bulacan ang napinsala at lumubog dahil sa nadurog ng mga alaon ang mga pilapil nito.
Ayon kay Uy, ang pagkadurog ng mga pilapil ng palaisdaan ay dahil sa unti-unting pagkaubos ng mga puno ng bakawan na nagsisilbing panangga sa mga alon.
“Bumibilis ang pagkasira ng mga palaisdaan at barangay sa coastal area ng Bulacan dahil sa nauubos din ang mga bakawan kaya kailangang magtanim uli tayo,” ani Uy.
Dahil sa kalagayang ito, sinabi ni Uy na magsasagawang isang fund raising campaign ang SMP para makaipon ng pondo na gagamitin sa pagtustos sa pagtatanim ng bakawan.
Ipinagmalaki naman ni Mayor Christian Natividad ng lungsod na ito na umabot na sa mahigit 10,000 binhi ng bakawan ang kanilang naitanim sa baybayin ng Malolos, Paombong at Hagonoy mula noong 2010.
Inilarawan ni Natividad ang nasabing proyekto bilang “tagumpay” dahil sa pakikisa ng mga residente ng baybayin ng Malolos at mga mangigisda.
Iginiit pa niya na patuloy ang kanilang pagtatanim dahil may sariling mangrove nursery ang pamahalaang lungsod ng Malolos.
Samantala, nanawagan sa Kapitolyo ang mga residente ng mga pamayanan sa baybayin ng Bulacan bigyan ng pantay na pagtingin ang mga Bulakenyong nakatira sa baybayin ng lalawigan.
Ito ay dahil sa mas maraming proyekto ang ipinapatupad sa mga kabayanan kumpara sa mga dulong barangay katulad sa coastal area.
Ayon sa mga residente ng barangay Pugad sa bayan ng Hagonoy, higit ang pangangailangan nila sa kalinga ng Kapitolyo ngayon dahil nararamdaman na nila ang epekto ng climate change.
Inihalimbawa nila ang pagtaas ng tubig mula sa dagat o high tide at malalaking alon kung may bagyo o storm surge bilang epekto ng climate change.