Malawakang laban sa H1N1 ibinaba sa bayan at lungsod

    410
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Ibinaba na ng Bulacan ang paglaban sa kinatatakutang sakit na Influenza A (H1N1) sa mga bayan at lungsod ng lalawigan sa pamamagitan ng nagkakaisang pagpapatupad ng mga lokal na inisyatiba.

    Kamakailan, halos 100 opisyal mula sa sektor ng kalusugan, edukasyon at pamahlaang lokal ang dumalo sa panlalawigang kumperensiya para sa prebensyon at pagpigil ng pagkalat ng nasabing sakit.

    Bago matapos ang nasabing kumperensiya ay magkakasabay na binigkas ng mga opisyal ang pledge of commitment laban sa H1N1 virus na kumalat na sa 43 bansa kung saan ay mahigit sa 12,000 ang nahawa at mahigit 80 na ang namatay.

    Ayon kay Dr. Joycelyn Gomez, ang provincial public health officer ng Bulacan, ang patuloy na surveillance laban sa sakit ay susi sa prebensyon nito.

    Gayunpaman, sinabi niya na kailangang maunawan ng mga taong magiging bahagi ng surveillance and mga panganib at pamamaraan ng pagtugon sa nasabing sakit.

    “Still, information is the best tool to keep people safe because it gives them capabilities to perform what actions to do,” ani Gomez.

    Sinabi niya na lahat ng dumalo sa nasabing kumperensiya ay inaasahang ipababatid ang mga impormasyong kanilang natutunan sa kanilang sektor na kinabibilangan.

    Sa pamamagitan ng mga impormasyong iyon, sinabi ni Gomez na ang mga Bulakenyo ay higit na magiging handa laban sa sakit.

    Sinabi naman ni Dr. Ermingardo Antonio, ang medical officer ng Department of Education (DepEd) sa Bulacan na magsasagawa rin sila ng information campaign sa mga paaralan sa Bulacan sa pagsisimula ng klase sa Lunes.

    Ayon kay Antonio, bahagi ng ng kurikulum ng DepEd ang pagtuturo sa mga mag-aaral ng ibat-ibang uri ng sakit.

    “Influenza A (H1N1) virus is not yet in the curriculum, but we can inform the students how to avoid it through lectures and symposia,” ani Antonio.

    Kaugnay nito, nangako naman ang mga dumalo sa nasabing kumperensiya na ipatutupad nila ang lokal na inisyatibang seven lines of defense laban sa H1N1.

    Kabilang dito ang maagap na pagkilos ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) sa kanilang nasasakupang barangay.

    Pagpapaigting ng surveillance ukol sa mga di-pangkaraniwang kaso ng influenza-like illness at severe pneumonia.

    Paglilinis sa kapaligiran, personal hygiene, proper cough manner at tamang panghuhugas ng kamay.

    Patuloy na pagsubaybay ng kalinisan sa mga poultry at piggery at gayundin sa mga backyard hog raisers at pamilihang bayan o talipapa;

    Pag-iwas sa pakikisalamuha sa mga taong posibleng may sintomas ng paglalagnat at influenza.

    Pagsasagawa ng self-monitoring at self-quarantine lalo na sa mga nanggaling sa mga apektadong bansa sa loob ng sampung araw.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here