LUNGSOD NG MALOLOS— Isang makabagong weather satellite ang itatayo sa Angat watershed upang magamit sa pagtaya sa panahon at maayos na operasyon ng dam.
Ito ang inihayag ni Arkitekto Gerardo Esquivel, ang administrador ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System, kung saan ay sinabi niyang magagamit din ito sa pagtaya sa panahon sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon kay Esquivel, ang nasabihng satellite na nagkakahalaga ng P600 milyon ay ang pinakamakabagong satellite sa bansa. “It will be the most sophisticated weather forecasting satellite in the country,” sabi niya
sa panayam noong Biyernes.
Ang nasabing satellite ay gagastusan ng salaping matitipid para sa P5.7-bilyong rehabilitasyon ng Angat Dam.Ayon kay Esquivel, ang nasabing satellite ay ipasusubasta bago matapos ang taon, at inaasahang
maitatayo sa mga unang buwan ng 2014.
Ipinaliwanag niya na ito ay gagamitin para sa pagtaya ng panahon sa bulubunduking bahagi ng Bulacan,at makakatulong sa mas akmang pamamahala sa dam. Ito ay dahil sa may kakayahan ang satellite na matukoy ang lakas at direksyon ng hangin, maging ang inaasahang pagbuhos ng ulan.
Sinabi ni Esquivel na noong nakaraang taon ay nag-usap sila ni Secretary Mario Montejo ng Department of Science and Technology.
Sa nasabing pag-uusap, nangako sa kanya si Montejo na magtatayo sa Angat Dam watershed ng ng Doppler radar na may kakayahang sukatin ang bubuhos na ulan. Nagunit nagkaroon ng pagbabago dahil sa pagpasok ng Korea Water Resources Corporation (K-Water) bilang bagong may-ari ng Angat River Hydroelectric
Power Plant.
Ayon kay Esquivel, bahagi ng kontrata ng K-Water ay ang pagbubuhos ng puhunan para sa pagpapatibay o rehabilitasyon ng Angat Dam. Dahil dito, malaki ang matitipid ng gobyerno sa P5.7-Bilyon inihanda
para sa rehabilitasyon ng Angat Dam.