Minamaso ni Mayor Jopet Inton ang mga nakumpiskang tambutso. Kuha ng Hermosa LGU
HERMOSA, Bataan — Bawal na bawal sa bayang ito ang maingay na muffler at ito’y ipinakita ngayong Lunes ng pamunuan dito sa pamamagitan ng pagwasak sa mga tambutso o modified muffler ng mga motorsiklo na nakumpiska ng pulisya.
Pinangunahan ni Mayor Jopet Inton ang pagsira sa 90 pirasong muffler sa plaza ng bayan kasama ang mga kasapi ng pulisya at Bureau of Fire Protection.
Aniya, mahigpit na ipinagbabawal ang maiingay na tambutso ng motorsiklo alinsunod sa Section J, Chapter 4 ng RA 4136 at ito’y hindi nila palalampasin sa Hermosa.
Hinikayat ni Inton ang kanyang mga kababayan na i-report agad kapag may ganitong paglabag sa kanilang bayan.
Maraming natuwa sa ginawang aksiyon ng kanilang mayor sapagka’t sadya umanong nakakabulahaw lalo na sa gabi ang matinding ingay na dulot ng mga tambutso.