Mahigit P150K halaga ng shabu nasamsam

    409
    0
    SHARE

    SCIENCE CITY OF MUNOZ – Nakabawi ng tinatayang P150,000 na halaga ng shabu ang magkasanib na puwersa ng provincial intelligence branch ng Nueva Ecija police office at kapulisan dito sa isang buy bust operation.

    Nagresulta rin sa pagkadakip ng dalawang hinihinalang bigating nagtutulak umano ng iligal na droga sa ikalawang distrito ng lalawigan nitong Miyerkules ng madaling araw.

    Kinilala ni Supt. Pedro Soliba ng Science City of Munoz police ang mga suspek na sina Oliver Zareno, 34, residente ng Poblacion North, Lupao, Nueva Ecija at Jeofrey Fernandez,32, ng Poblacion sa lungsod na ito.

    Ayon kay Soliba, isang asset nila ang gumamit ng limang markadong P100 bill para bumili ng shabu mula sa mga suspek bandang alas 4:00 ng madaling araw noong Miyerkules.

    Sinabi naman ni Supt. Ricardo Villanueva, hepe ng PIB, na isinagawa ang operasyon matapos ang halos isang buwang pagmamatyag sa galaw ng mga suspek.

    Nasamsam ng mga operatiba mula sa dalawang suspek ang tinatayang 15 gramo ng shabu.

    Si Zareno ay mabilis na umamin sa kanyang iligal na gawain. Ayon sa kanya, nanggagaling sa Metro Manila ang kanyang ipinagbibiling bawal na gamot.

    Ayon pa kay Zareno, minsan ay kinakailangan din niyang tikman ang shabu upang masiguro sa kanyang mga kliyente na masarap ito at puro.

    Pero si Fernandez ay tumanggi sa akusasyong siya ay kasamang nagbebenta ng droga sa halip ay sinabi niyang gumagamit lamang siya nito.

    “Hindi titigil ang kapulisan sa pagtugis sa mga sindikatong ito,” ani Villanueva, lalo aniya’t nagbigay ng kautusan ang bagong talaga na si Philippine National Police Director Gen. Nicanor Bartolome.

    Sa ngayon ay nakapiit ang mga suspek sa detention cell ng Science City of Munoz police samantalang hinihintay ang commitment order mula sa hukuman matapos isampa sa city prosecutor’s office ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Law.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here