MAGUINDANAO MASSACRE
    Inspirasyon sa mga pamilya ang hatid ng mga paggunita

    446
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—May pagkakataon na nawawalan na ng pag-asa ang pamilya ng mga biktima sa Maguindanao Massacre, ngunit ang patuloy na paglaban at pag-alaala ng mga mamamahayag sa nasabing insidente ay naghahatid ng inspirasyon sa kanila.

    Ito ang bahagi ng liham ni Ma. Reynafe Momay-Castillo na ipinahatid kamakalawa sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) Bulacan Chapter na nanguna sa isang prayer rally at candle lighting ceremony sa lungsod na ito kaugnay ng ika-16 na buwan ng paggunita sa  Maguindanao Massacre.

    Si Momay-Castillo ay anak ni Reynaldo “Bebot” Momay, isa sa 32 mamamahayag na walang awang pinaslang sa Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre  23, 2009. Subalit hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan ang bangkay ni Momay.

    “Nakakawala ng pag-asa. Subalit habang nakikita ko na ang mga mamamahayag sa buong Pilipinas, o marahil sa buong mundo ay hindi tumitigil sa pagbantay sa kasong ito, ako ay lalong nae-encourage na tuloy sa laban,” ani  Momay-Castillo, ang ingat-yaman ng Justice Now, isang samahan ng pamilya ng mga pinaslang na mamamahayag sa Maguindanao Massacre.

    Nagpasalamat din siya sa mga mamamahayag na patuloy na nakikipaglaban para makamit ang katarungan sa karumaldumal na krimen.

    Sa kanyang liham, sinabi ni Momay-Castillo na “maraming salamat sa inyong lahat, at sanay patuloy niyo kaming samahan hanggang sa dulo ng laban. Tulungan nyo kaming bantayan ang bawat detalye ng kaso.”

    Ang liham ni Momay-Castillo ay binasa ng NUJP-Bulacan Chapter sa pagsasagawa ng prayer rally at candle lighting ceremony na isinagawa sa bakuran ng kapitolyo ng Bulacan sa lungsod na ito noong Miyerkoles ng gabi na dinaluhan ni Gob. Willy Alvarado at mahigit sa 50 mamamahayag at mag-aaral ng Bulacan State University.

    Bukod sa nasabing mensahe, nagpahayag din ng kalungkutan si Momay-Castillo sa daloy ng katarungan sa bansa.

    “Mailap ang hustisya sa mahihirap. Bakit kung mahihirap ang akusado ay napakabilis ng paglilitis?

    Isa sa 32 na mamamahayag ang aking ama na si Reynaldo “Bebot” Momay na hangga ngayon ay di pa natatagpuan ang mga labi. Napakahirap nito para sa aking pamilya dahil wala kaming “closure”. Magpahanggang ngayon wala pa ring malinaw na ginagawa ang gobyerno sa kaso ng Tatay ko,”  aniya. 


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here