‘Magturo ay di biro, 1 linggong di makauwi’

    341
    0
    SHARE

    Ipinakikita ni Celestino Carpio, non-forma education supervision ng DepEd-Bulacan ang sipi ng librong naglalaman ng impormasyon hinggil sa kanilang programa sa edukasyon sa katutubing dumagat na umani ng pambansang parangal noong 2005. Kuha ni Dino Balabo

    LUNGSOD NG MALOLOS CITY – Nakakatulad ng pagtatanim ang paghahatid ng edukasyon partikular na sa pagtuturo sa mga katutubong Dumagat, dahil kapwa “hindi biro” ang mga nabanggit na gawain sa awiting itinuturo sa mga bata ay sinasabing “magtanim ay di biro, maghapong nakayuko.”

    Para naman sa 17 guro sa mga katutubong Dumagat sa kabundukan ng Sierra Madre, “magturo ay di biro, lingguhan bago makauwi” at kung minsan ay mas matagal pa.

    Ito ay dahil sa malayo sa mga kabayanan ang mga pamayanan ng katutubo sa kabundukan.

    Ayon sa mga guro, higit sa dalawang oras silang naglalakbay, marating lamang ang mga pamayanan ng katutubo.

    Ito ay bahagi na ng kanilang sakripisyo, partikular na sa limang guro na naging bahagi ng unang 10 guro na ipinadala ng Department of Education (DepEd) para maghatid ng edukasyon sa mga katutubo.

    Sa pagsisimula ng programa ng DepEd sa mga katutubo noong 1998, inamin ng limang guro na di biro ang kanilang pinagdaanan.

    Gayunpaman, tiniis nila ito dahil gusto nilang magkatrabaho; ngunit habang nagtatagal, hanggang sa kasalukuyan, kung nabago nila ang ilang gawi ng mga katutubo, ay may nabago rin sa kanilang pananaw.
    Kabilang dito ay ang pagbabago sa kanilang pananaw sa pagtuturo sa mga katutubo na noong una ay isang “trabaho” lamang, ngunit ngayon, ay isa na nilang adbokasiya.

    “Aaminin ko na noong una ang gusto ko lang ay magkatrabaho at pinlano ko na pagkatapos ng three years ay magpapalipat na ako ng destino, pero iba na ngayon,” ani Vergel Libunao, na kasalukuyang nakatalaga bilang guro sa pamayanan ng mga katutubo  na matatagpuan sa Sitio Talamsi 2 sa Barangay Kalawakan, Donya Remedios Trinidad.

    Ang nasabing pamayanan ay nilalakbay ni Libunao ng dalawang oras kung tag-araw, at tatlong oras kung tag-ulan.

    Dahil dito, lingguhan kung umuwi sa kanilang bahay sa bayan ng San Miguel si Libunao.

    Ayon kay Libunao, hindi na siya makaatras sa pagtuturo sa mga katutubo ngayon dahil sa kung titigil siya ay baka wala ng magpatuloy ng kanilang nasimulan.

    “Kung aatras kami wala ng papalit sa amin. Kailangan kami sa bundok para ituloy ang misyon na magturo sa mga bata. Hindi lang trabaho ang nagtutulak sa amin ngayon, kundi yung concern sa mga bata,” aniya.

    Gayundin ang sinabi nina Joel Dela Paz, 38; at Nestor Alfonso, 36, na katulad ni Libunao ay kabilang sa unang 10 guro na itinalaga para magturo sa mga katutubo noong 1998.

    Sinabi nina Dela Paz at Alfonso na plano rin nilang magpalipat ng destino pagkatapos ng tatlong taon ng pagtuturo sa mga katutubo, ngunit nagbago rin ang kanilang pananaw.

    Ito ay sa kabila ng pagsasakripisyo at panganib sa buhay ay nakikita nila ang bunga ng kanilang paghihirap.
    Isa sa mga panganib sa buhay ni Dela Paz ay nang magsagupa ang mga sundalo at mga rebeldeng New People’s Army sa loob ng pamayanan ng mga katutubo sa Sitio Talamsi 1 sa unang bahagi ng 2010.

    “Akala ko katapusan ko na kaya dumapa na lang ako sa loob,” ani Dela Paz at sinabing ang kanyang pinagtaguan upang makaiwas sa mga nasasalimbayang bala ay ang lumang kapilya na ginagamit nilang silid aralan sa nasabing pamayanan.

    Para naman kay Ryan Villegas na nagmula sa bayan ng San Luis sa lalawigan ng Pampanga, higit pa sa dalawang oras ang kanyang ginugugol sa paglalakbay upang marating ang pamayanan ng mga katutubo na matatagpuan sa Sitio Basyo sa Barangay Kabayunan, sa bulubunduking bayan ng Donya Remedios Trinidad.
    Ang itio Basyo ay mararating lamang matapos ang halos isang oras na paglalakbay mula sa kabayanan ng Norzagaray hanggang sa National Power Corporation compound na matatagpuan sa Hilltop, Barangay San Lorenzo sa nasabing bayan.

    Pagdating ng Hilltop, naglalakbay pa ng halos dalawang oras sakay ng bangkang de motor si Villegas. Ang bangka ay naglalakbay sa kailugan ng Angat Dam.

    Pagkatapos ng halos dalawang oras na paglalakbay sa bangkang de motor, maglalakad pa ng halos isang oroas si Villegas mula sa Sitio Makina upang marating ang Sitio Basyo.

    Ito ay kung hindi siya kasabay ng mga kawani ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na namamahala sa 13-kilometrong Umiray Angat Transbasin Project (UATP) sa Sitio Macua.  Ang MWSS ay may sasakyan sa Sitio Makina na ginagamit sa paghahatid ng kawaning patungo sa Sitio Macua.

    “Suwerte kung masasabay ako sa service ng MWSS,” ani Villegas patungkol sa bangka at mga sasakyan ng MWSS.

    Para naman kay Arlene Lazaro, isa sa mga “orig” na guro sa mga katutubo, hindi lang mahabang paglalakbay ang kaniyang pinag-uukulan ng pansin.

    Tinututukan niya ngayon ang pagbuo ng kurikulum na ituturo sa mga katutubo.

    Sinabi niya na lubhang mahalaga ang kurikulum na angkop sa mga kaugalian at kalingan ng mga katutubo upang higit na matibay ang kanilang naglalahong kalingan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here