Magtanim lalong ‘di biro ngayong klima’y nagbabago

    590
    0
    SHARE

    Pinagdiriwang ng maraming bayan bilang fiesta ng panimula ng pagtatanim ang ika-15 ng Mayo. Sa araw na ito ginugunita si San Isidro de Labrador o St. Isidore the Farmer, ang patron ng mga magsasaka.

    Karaniwang nag-uumpisa ang tag-ulan sa kalagitnaan ng Mayo, kaya’t mapapansing tuwing hapon may kalat-kalat nang pag-ulan.

    Nagiging luntian muli ang mga kapatagan at kabundukan, at nadidiligan, lumalamig, at lumalambot muli ang lupa sa mga bukirin. Kasunod nito’y mabubungkal na ang dati’y namimitak na lupa, at ito’y malaking kasiyahan na sa mga magsasaka.

    Mahalaga ang papel ng mga magsasaka, ‘di lamang dahil ang pagkain sa ating mesa ay bunga ng kanilang pagsisikap.

    Sa mga magsasaka din nabuo ang mga simple ngunit magagandang kaugaliang Pilipino, tulad ng bayanihan, pagtutulungan, mga kasayahan at pag-awit kahit nasa gitna ng hirap sa pagtatanim.

    Naaalala pa ninyo ang mga salita at himig ng awiting “Magtanim ay ‘di biro?” Sabayan ninyo ako:

    “Magtanim ay ‘di biro, maghapong nakayuko.
    ‘Di man lang makatayo, ‘di man lang maka-upo.
    Baywang ko’y sumasakit, binti ko’y namimitig.
    Daliri ko’y nanlalamig, sa pagkababad sa tubig.

    “Halina, halina mga kaliyag, tayo’y magsipag-unat-unat.
    Magpanibago tayo ng lakas, para sa araw ng bukas.”

    Ngayon hindi na rin kaila sa atin, lalo na sa mga magsasaka, ang pagbabago ng klima o “climate change.”

    Nararamdaman na natin ang papa-init na mga tag-araw, tumitinding mga pag-ulan pati mapanalasang bagyo.

    Tila tumatagal na ang paghihintay makaraan ang tag-araw bago mabungkal muli ang lupa, at pag minalas ka’y aabutan pa ng pagbaha ang masagana sanang pag-ani ng gintong butil.

    Dahil sa pagbabago ng klima, nahaharap din tayo sa mga bagong pagsubok sa agrikultura.

    Kaya sa ilang LGU nagsasagawa na ng “Climate Field School,” kung saan ang mga magsasaka ay nagsasanay sa mga “adaptation measures,” sa pagharap sa banta ng pinsala upang maka-iwas sa pagkalugi o pagkalagas ng puhunan.

    Halimbawa ay ang paggamit ng mga “flood resistant” na palay varieties, at ng mga kapalayan na nabubuhay sa bahagyang patubig.

    Kasama rin dito ang pagtuturo sa mga magsasaka kung paano magkaroon at gumamit ng mga early warning systems upang kaagad na mabigyang-babala ang komunidad hinggil sa lagay ng panahon.

    Kaugnay nito, ako ay may panukalang batas na tinawag na “Depensa Bill,” na nanghihikayat sa mga LGUs at mga komunidad na magprograma ng mga “Climate Change Adaptation Measures” kaakibat nito ang pondo na kinakailangan upang maipatupad ang kanilang mga programa.

    Sa pamamagitan lamang ng kahandaan natin maisasalba ang kabuhayan lalo na ng mga bulnerableng mga kumunidad sa climate change.

    Mga Kabalen kung noon ang magtanim ay ‘di biro, lalo na siguro ngayon dahil sa pagbabago ng klima. Ngunit naniniwala akong may kakayahan tayong humarap sa anumang bagong pagsubok sa agrikultura, tumitindi man ang mga tag-tuyot at pagbaha basta’t paghandaan lang natin ito.

    Magbago man ang klima, hindi naman ang ating kasipagan at pagpupunyagi.

    Huhugot din tayo ng inspirasyon sa mga kaugaliang naipunla ng ating mga ninunong magsasaka — na sa kabila ng hirap ng ‘di-birong pagtatanim, at sa oras ng kapinsalaan, mapagtutulungan nating harapin ang mga hamon ng climate change.

    “Sumakit man ang ating baywang, mamitig man ang ating mga mga binti, o manlamig ang mga daliri, tayo’y mag-uunat-unat, bubuo ng panibagong sigla at lakas, para sa araw ng bukas…”

    Kakayanin natin ang “climate change.”

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here