Magsasaka puputulan ng patubig simula Marso 31

    276
    0
    SHARE
    MALOLOS—Tutol ang pamahalaang panlalawigan sa isasagawang pagputol sa alokasyon ng tubig sa magsasakayang Bulakenyo simula sa Marso 31.

    Ang isasagawang pagputol sa alokasyon sa patubig ay kinumpirma ng National Irrigation Administration (NIA) at mga magsasaka, ngunit ayon sa National Power Corporation (Napocor) na namamahala sa Angat dam, babawasan lamang nila ang alokasyon sa patubig ng magsasaka.

    Ito ay dahil sa karaniwan sa mga magsasaka ay nakaka-ani ng pananim na palay kapag Marso 31, ngunit ayon sa mga lider ng magsasaka sa lalawigan, marami sa kanilang kasama ay nagsipag-habol pa ng tanim nitong Enero at maaaring kapusin ng patubig kung puputulan ng alokasyon.

    Ayon kay Gob. Wilhelmino Alvarado, nagpahatid na siya ng liham sa Napocor at National Water Resources Board (NWRB) na ikunsidera ang kanilang desisyon na pagputol sa alokasyong patubig sa magsasaka.

    “Hindi natin dapat payagan ang pagputol sa alokasyon ng magsasaka dahil apektado ang kanilang kabuhayan,” ani Alvarado.

    Sinabi pa ng gobernador na laging naaapi ang mga magsasaka sa alokasyon sa tubig samantalang ang Angat dam ay nasa Bulacan, at hindi halos nakikinabang doon ang mga Bulakenyo.

    “Hindi sila nagbabayad ng National Wealth Tax sa Bulacan, pagkatapos kapag bumaba ang tubig sa dam ay pinuputulan nila ng patubig ang magsasaka at sa Maynila pinadadaloy ang lahat ng tuibig,” ani Alvarado.

    Ayon kay Jesus Perez ng NIA-Bulacan, aabot sa 6,000 ektaryang bukirin sa Bulacan ang maaapektuhan kapag pinutol ang alokasyon sa mga magsasaka.

    Ito ay ang mga bukiring matatagpuan sa mga bayan ng Pandi, Bocaue, Balagtas, Bulakan, Malolos, Paombong at Calumpit.

    Maging ang mga bukirin sa mga bayang matatagpuan sa hilaga ng Pampanga tulad ng San Simon, Apalit, Candaba at San Luis ay maaapektuhan.

    Ito ay dahil sa mga nasabing bayan ay nasa dulo ng sanga-sangang kanal ng patubig na nagmumula sa Bustos dam sa bayan ng Bustos.

    Para naman kina Liza Sacdalan ng Central Luzon Organic Rice Producers Association (Clorpa) at Melencio Domingo, ang pangulo ng Malolos City Agriculture and Fisheries Council (MCAFC), isang malakas na dagok ito sa mga magsasaka na naghabol ng tanim nitong Enero.

    Ngunit nagpahayag din sila ng pangamba sa posibilidad na maging maullan ang tag-araw katulad ng babala ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa).

    Binanggit nina Sacdalan at Domingo ang karanasan ng magsasakang Bulakenyo sa bagyong Juan noong nakaraang taon na nanalasa kung kailan malapit ng anihin ang mga palay.

    “Kailangang magdasal tayo dahil sa pabago-bagong panahon,” ani Sacdalan.

    Nilinaw naman ni Inhinyero Rodolfo German, ang general manager ng Angat River Hydro Electric Power Plant (Arhepp) ng Napocor na hindi naman nila tuluyang puputulin ang patubig sa magsasaka.

    Ipinaliwanag niya na babawasanm lamang nila ang alokasyon dahil sa mas malaking porsyento ng mga magsasaka ang tinatayang naka-ani sa Marso 31.

    Iginiit pa niya na may sapat na tubig sa dam at higit itong mas mataas kumpara sa katulad na panahon noong nagdaang taon.

    Batay sa talaga ng Napocor, nasa 198 meters pa ang water elevation sa dam nitong nakaraang linggo, kumpara sa 188 meters na naitala sa katulad na panahon noong 2010.

    Ang sukat na 198 meters ay mas mataas ng 18 metro kumpara sa kritikal na 180 meters kung kailan pinuputol ang alokasyon patubig sa magsasaka.

    Isa rin ito sa ipinagtaka ng NIA at ng mga magsasaka dahil sa walang nakatitiyak kung sasayad sa 180 meters ang water elevation sa dam sa Marso 31.

    Ngunit ayon na rin sa NIA, ang NWRB ang nagpalabas ng nasabing desisyon na putulin ang patubig sa magsasaka sa Marso 31.

    Para naman sa mga magsasaka, hindi imposibleng matuloy ang plano ng NWRB dahil sa parang ikinukundisyon na ang kanilang isipan. 


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here