Home Headlines Magsasaka ng kalabasa nagpapasaklolo

Magsasaka ng kalabasa nagpapasaklolo

855
0
SHARE
Bunton ng kalabasa sa bodega ni Ver Salas sa Barangay Batitang. Kuha ni Armand Galang

ZARAGOZA, Nueva Ecija – Umaapela ngayon sa pamahalaan at pribadong sektor ang mga magsasaka sa bayang ito na isalba sila mula sa grabeng pagkalugi sa aning kalabasa.

Ayon kay Ver Salas, magsasaka at entrepreneur mula sa Barangay Batitang, nasa P3 hanggang P3.50 kada kilo ang kuha sa kanila ng ilang mangangalakal, malayo sa P5 kada kilo na break-even level.

Upang kumita ang mga magtatanim ng kalabasa, ayon kay Salas, ay dapat nasa P7 hanggang P8 bawat kilo.

Sa bakuran ni Salas kung saan inilagak ang tinatayang 120,000 kilo ng kalabasa ng mahigit 20 magsasaka ay unti-unti nang nabubulok ang nasabing produktong agrikultural.

“Kaya gumagastos pa rin kami ng pagbibiling sa mga kalabasa para mahanginan at maalis kaagad ang nabubulok,” sabi ni Salas. Nasa tatlong buwan ang shelf-life ng kalabasa at sa ngayon ay nasa isang buwan nang nakaimbak, àyon pa sa kanya.

Nasa mahigit 50 ektarya ng lupain ang tinamnan ng kalabasa sa Barangay Baritang ngayong taon, bukod pa sa ilang kalapit na barangay.

Halos ganito rin ang naranasan ng mga nagkakalabasa sa lugar na ito noong 2020 ngunit  nasuportahan sila ng mga lokal na pamahalaan na bumili ng sobra-sobra nilang produkto na ipinagsama sa bigas na pang-ayuda, dagdag ni Salas.

Kabilang sa mga namigay ng kalabasa noon ay sina Nueva Ecija 3rd District Rep. Ria Vergara at Cabanatuan City Mayor Myca Elizabeth Vergara na namili ng produkto mula sa labas ng siyudad.

Ayon kay provincial director Richard Simangan ng Department of Trade and Industry-Nueva Ecija, may ilang grupo ng kababaihan sa paggawa ng pickled squash ang bumibili sa tulong ng Central Luzon State University, ngunit masyadong malaki ang over supply ngayon. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here