BONGABON, Nueva Ecija – Mahigit 50 taon nang nagsasaka ng sibuyas ang ngayon ay 72-anyos nang si Leon Abunan ng Barangay Lusok dito dahil ito na ang bumuhay sa kanyang pamilya.
Pero aminado si Abunan na maraming beses na niyang tinangkang sumuko sa pagsisibuyas lalo na ngayong taon na umaabot na P150,000 ang nagagastos sa 6,000 metro kwadrado o mahigit kalahating ektaryang sibuyasan.
Kaya naman labis ang kanyang pangamba sa posibilidad ng pagkalugi ngayon nang mabalitaan ang plano ng Department of Agriculture na pagbibigay-permiso sa importasyon ng sibuyas ngayong Pebrero.
“Huwag sanang mag-import para kumita naman ang magsisibuyas,” sabi ni Abunan. Natuloy lang daw siyang magtanim ngayon dahil may nagpautang sa kanya ng puhunan.
Si Abunan ay isa lamang sa libu-libong magsasaka sa bayan ng Bongabon, ang tinaguriang Onion Basket ng Pilipinas, na umaasa sa pagsisibuyas tuwing dayatan o dry crop season.
Sa datus ng municipal agriculture office, hanggang nitong Enero 2 ay 1,376.84 ektaryas na ang natataniman ng sibuyas sa nasabing bayan. Patuloy pa ang taniman at inaasahang ito ay tataas pa sa hanggang 2,000 ektarya.
Sa ngayon ay nasa 970.19 ektarya ang natatamnan ng sibuyas na pula o red at 405.55 ektarya naman ang sibuyas na puti o yellow grannex. Karagdagan dito ang mahigit isang ektarya ng red shallot.
Ayon kay Mayor Allan Gamilla, inaasahang magsisimula ang anihan ng sibuyas sa kanilang bayan sa kalahatian ng buwan ng Pebrero. Kaya labis aniyang maapektuhan ang kanyang mga kababayan sa posibleng bagsak-presyo ng kanilang produkto kung papasok ang imported na sibuyas kasabay nito.
Naniniwala si Gamilla na sobrang taas at problema ng consumer ang umiiral na presyo ngayon na na P130 hanggang mahigit P200 kada kilo ng sibuyas.
Ngunit, sana aniya, ay subukan muna ng gobyerno ang ibang paraan upang makontrol ang presyo ng sibuyas.
“Sa pag-i-stabilize, gobyerno naman talaga ang may kontrol nito,” ani Gamilla. “Maaari pong sila ang magdikta ng tamang presyo na kikita yung mga magsasaka at kaya lang po ng consumer sana para maging balanse,” dagdag ng alkalde.
Nagkakaisa ang mga magsasaka at mga lokal nà opisyal na sapat ang P40 kada kilo para kumita ang mga lokal na magsasaka.
Nagpapasalamat naman si Gamilla sa DA sa mga tulong na ibinigay sa mga magsasaka katulad ng binhi at pamatay-peste nitong nakaraang Disyembre.
Kung sakali aniya na hindi maiiwasan ang pag-aangkat ay huwag naman sana sa panahong umaani mga lokal na magsisibuyas.