Pilit na isinasalba ng mga magsasaka sa Malolos ang mga palay na maari pang pakinabangan sa paghagupit ng mga nakaraang bagyuhan. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG MALOLOS — Pinadapa at nilubog sa tubig ng mga bagyong Pepito, Quinta at Rolly ang mga palayan sa Barangay Santor sa lungsod na ito.
Nasa 60 porsiyento ng tanim na palay sa nasabing barangay ang hindi na mapapakinabangan matapos malubog sa tubig baha na dapat sana ay aanihin sa susunod na buwan.
Sa kasalukuyan ay itinatayo at itinatali ng mga magsasaka dito ang mga dumapang palay sa pagbabaka-sakaling may pakinabangan pa dito at maibenta.
Hanggang sa ngayon, hinaing ng mga magsasaka dito na wala pa silang natatanggap na ayuda o tulong mula sa pamahalaang lokal at nasyunal matapos ang kalamidad.
Ngunit sa kabila nito, ayon kay Melencio Domingo, pangulo ng mga magsasaka sa naturang barangay, mas kaya nilang malagpasan ang pagsubok sa kalamidad kaysa sa patuloy na implementasyon ng Rice Tariffication Law o RTL
Aniya, ilang dekada na silang nagsasaka at halos taon-taon naman ay tumatama sa kanilang palayan ang bagyuhan at bahaan ngunit nakakaraos pa rin sila at nakakabangon kung ikukumpara sa masamang epekto ng implementasyon ng RTL.
Aniya, sa kalamidad kasi kahit paano ay may natitira pa sa kanilang kabuhayan dahil maganda pa ang bentahan noon ng palay na nasa P23 kada kilo.
Samantalang sa RTL ay bumagsak ang bentahan ng palay sa P12 kada kilo dahil sa pagdagsa ng imported rice sa merkado.
Hindi naman aniya lahat ng mga magsasaka ay nakakatanggap ng tulong na ipinangako sa ilalim ng RTL.
Batay aniya sa patakaran ng Department of Agriculture ay ang mabibigyan lamang ng tulong ay ang mga magsasaka na may bukirin na isang ektarya pababa.
Paano naman aniya ang iba pang mga maliliit na magsasaka na gaya niya na may dalawang ektaryang palayan lamang na baon na rin sa utang mula nang simulan ng pamahalaan ang rice importation.
Gumagastos na daw sila ng P40,000 kada ektarya na puhunan sa pagsasaka ngunit hindi na nila ito nababawi dahil sa bagsak na presyo ng palay.
Ang masaklap pa ay utang lamang daw ang kanilang puhunan sa pagtatanim.
Sa taya ni Domingo, kung tatagal pa ng tatlong taon mula ngayon ang implementasyon ng RTL ay titigil na lamang sila sa pagsasaka sa halip na patuloy na mabaon sa utang.
Kayat panawagan nila kay Sen. Manny Pacquiao sa ginagawa nitong konsultasyon sa mga magsasaka na huwag nang amiendahan at sa halip ay tuluyan nang ibasura ang RTL kung talaga daw na nais nito na matulungn ang mga magsasaka.