LUNGSOD NG MALOLOS —Tukoy na ng pulisya ang nasa likod ng magkakasunod na pagnanakaw sa munisipyo ng Masantol, Pampanga na huling pinasok noong Biyernes.
Ngunit walang inilabas na pangalan ang pulisya, ayon kay Mayor Peter Flores ng nasabing bayan. Ito ay dahil sa nagsasagawa ng operasyon ang pulisya at sa mga susunod na araw na dakdakpin ang mga salarin.
Sa paglalarawan ni Flores, sinabi niya na isa sa mga suspek na tinutugis ngayon ng pulisya ng Masantol ay isang lalaking mahaba ang buhok at balingkinitan ang katawan.
Ang nasabing suspek ang itinurong salarin ng mga saksi matapos na muling pagnakawan ang munisipyo noong Biyernes ng gabi.
Batay sa ulat ng pulisya, umabot sa P30,000 ang natangay ng dalawang suspek mula sa tanggapan ng pambayang ingat-yaman ng nasabing bayan na nasa unang palapag ng munisipyo..
Ang mga suspek ay dumaan sa ikalawang palapag sa tanggapan ng sangguniang bayan at pumasok sa tanggapan ng ingat-yaman sa pamamagitan ng pagsira sa pinto nito.
Ayon kay Flores, malaki ang posibilidad na tukoy din ng mga suspek ang mesang pagnanakawan dahil iyon l;amang ang ginalaw ng mga ito.
Una rito, dalawang beses nang napagnakawan ang munisipyo ng Masantol.
Sa naunang insidente, natangay ang halagang P3,000 at isang laptop.
Ayon Flores, tila naghahamon ang mga nagti-trip na mga magnananakaw dahil sa mismong munisipyo ang ninakawan na kaharap lamang ng himpilan ng pulisya.