Nagpulong ang Angeles City United Chicken Dealers, Vendors and Workers Association para pag-usapan ang masamang epekto ng slaughterhouse program sa ilalim ng build-operate-transfer agreement ng pamahalaang lokal at isang pribadong kumpanya. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG ANGELES — Umaaray ang mga nasa industriya ng pagmamanok dahil sa inaasahan na mas tataas pa ang presyo ng kada kilo ng benta ng karne nito sa palengke. Ito ay kasunod ng ipatutupad na slaughterhouse modernization program ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng isang pribadong kumpanya.
Reklamo ng grupong Angeles City United Chicken Dealers, Vendors and Workers Association, dagdag gastos sa puhunan ang ipinatutupad na slaughterhouse program sa ilalim ng build- operate-transfer agreement sa pagitan ng pamahalaang lokal at ng Cabanatuan Eaca Agro-Ventures, Inc.
Hindi anila ito napapanahon lalo ngayong nasa gitna pa ng pandemya kung saan nagpapatupad nga ng price ceiling ang Department of Agriculture sa presyo ng kada kilo ng karne ng manok sa pamilihan.
Ayon sa mga chicken supplier na sina Marvin Miranda at Jun David, mataas na nga sa ngayon ang presyo ng manok ay mas lalo pa itong tataas dahil sa ipatutupad na slaughterhouse program.
Sa ngayon ay nasa P165 hanggang P170 ang halaga ng kada kilo ng manok sa palengke.
At dahil sa dagdag gastos sa ilalim ng private public partnership na ito ay pinangangambahan nilang sisipa sa P185 hanggang P190 ang presyo ng kada kilo ng manok sa palengke.
Dahil dito ay nangangamba sila na hindi na mabenta ang kanilang paninda gayong kung ikukumpara ay lalabas na mas mababa pa ang presyo ng frozen chicken sa mga supermarket na nasa P140 lang ang kada kilo.
Sa ngayon ay nasa P5 lamang ang bayad nila sa taga-linis ng kada piraso ng manok ngunit sisingilin sila ng P17 kada piraso sa slaughterhouse.
Kayat ang P12 na gastusin sa slaughterhouse ay dagdag gastos sa kanilang puhunan na tiyak na maipapasan naman ito sa mga consumers at pangamba nila na hindi na sila mabilhan ng kanilang mga paninda.
Kung magkagayon ay taliwas anila ito sa layunin ng Department of Agriculture na mapigilan ang pagtaas ng presyo ng karne ng manok sa panahon ng marami ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Mula daw nang maranasan ang Covid-19 ay bumagsak na sa 50 porsiyento ang kanilang benta at dahil sa slaughterhouse program ay pinangangambahan na bumagsak na lamang sa 20 hanggang 30 porsiyentoang kanilang benta kada araw.
Kung dati ay nakakapagbenta sila ng 15 hanggang 20kilo ng manok kada araw ay baka maging 5 kilo na lang ito kada araw kapag tumaas na ang presyo.
Sa kanilang komputasyon sa dati na overhead expenses sa manual na pagkatay ng manok na P12,000 kada araw ay dadagdag dito ang P20,000 overhead expenses kada araw ng isang chicken dealer.
Ito daw ay magiging P32,000 per day na gastos o katumbas ng 220 porsiyentong pagtaas sa daily expenses.
Maapektuhan din daw ang oras ng kanilang pagtitinda dahil nasa 1,000 head per hour ang kayang iproseso ng slaughterhouse. Na kung dati ay nakakapagtinda na sila ng alas-12 ng hatinggabi ay aatras na ito alas-3 ng madaling araw dahil sa prosesong gagawin sa slaughterhouse.
Hindi na rin anila sariwa ang manok dahil paglabas ng slaughterhouse ay nakaplastic na ito at may yelo.
Sa ganitong usapin ay marami na sa kanila ang nagbabalak na tumigil sa pagtitinda ng manok dahil sa napipintong pagkalugi.
Nasa 18 dealers, 230 tindera at 400 trabahador ang imaasahang maapektuhan ng nasabing programa. Dahil dito ay dumulog na ang grupo sa sangguniang panlungsod para ilatag ang hinaing sa naturang programa.
Samantala, hindi pa tumutugon sa text at tawag si Mayor Carmelo Lazatin para hingin kanilang panig hinggil sa reklamong ito.
Batay sa dokumentong nakalap ng Punto!, lumagda noong June 29, 2020 si Lazatin at Richmond Davin Lim, ang president-CEO ng Cabanatuan Eaca Agro-Ventures, Inc. para sa build-operate-transfer agreement ng Angeles City Slaughterhouse na tatagal ng 25-taon.
Una dito ay nakasaad naman sa Resolution No. 5, Series of 2019 noong Oktubre 11, 2019 ng Local Development Council, ang rehabilitation, operation, transfer of Angeles City Slaughterhouse sa layunin na i-modernize ang operasyon nito na masiguro ang malinis, ligtas at hygienic meat para sa publiko.
Bukod sa manok ay kasama din sa nasabing slaughterhouse program ang baboy at isda.