Home Opinion Maging mapili sa pagboto sa darating na buwan ng Mayo

Maging mapili sa pagboto
sa darating na buwan ng Mayo

608
0
SHARE

DI PA MAN umpisa r’yan ng campaign period
na kaakibat ng eleksyong susunod,
hayan kay dami na nitong nag-iikot
na sobra kaagap para makaungos.

At maging ang pina-kaliblib na lugar
ay di atubili nilang mapuntahan
sa pagnanais na makakuha man lang
ng suporta upang sila ay mahalal.

Partikular na r’yan itong matatawag
nating mas maaga pa sa mag-gagatas,
kung magbahay-bahay, sila itong agad
matatandaan sa pagiging maagap.

Tulad na lamang ng isang kongresista,
(‘Epal’) na ang hirit nito ay ayuda,
na tig-sampung libo sa bawat pamilya,
‘yan ay maliwanag na pangangampanya.

At matatawag na nating ‘infomercial’
itong pakulo ni Cayetano riyan,
sapagkat kung kailan pa magka-halalan –
saka naisip na isulong ang ganyan.

Gayon din ang iba pang nagkukumahog
sa ‘election 2022’ lalahok,
ngayon pa lamang ay sila’y gumagastos
na ng libu-libo kundi man ng ‘millions’.

Gayong halos sampung buwan pa nga bago
sumapit ang araw ng halalan mismo,
kaya pagdatal ng a’nuebe ng Mayo,
‘yan sa nagastos ay pawa nang tuliro.

Diyan ngayon itong ating Inangbayan
tiyak daranas ng hindi matingkalang
hirap at pasakit d’yan sa mahahalal
na opisyales na posibleng kawatan.

At sa akala ba natin di isingil
sa kaban ng bayan, ang ipinambiling
boto ng mga ‘yan sakali’t palarin
upang mabawi ang lahat ng gastusin?

Gayon din naman ang sa mga ‘local post’
palaring mahalal, gaya ng Governors,
mga ‘Vice Gob, Mayors, Vice Mayors, Councilors,
posibleng maningil din nang patalikod.

At marahil pati magiging Pangulo,
VP at iba pang nagpagod ng husto,
upang ang tao n’yan ay maipanalo
sa paraang pagka-gastusan ng husto.

Gaya r’yan ng iba na namumuhunan
para maipanalo ang kandidato n’yan
na walang salapi, pero ang pangalan
okey sa pulso ng mga mamamayan.

At dahil bilang rin sa’ting daliri
sa panahong ito ang ginto ang uri
ng nakararaming banig ay salapi,
sarili’y sanayin na maging mapili.

Kaya para iwas sa mga dorobo,
tiwali, kawatan at asal demonyo,
ngayon pa lamang ay pumili na tayo
ng nararapat na taong iboboto!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here