Habang papalapit ang Mayo atrese
Ng kasalukuyang taong dos mil trese,
Araw-araw iba’t-iba ang diskarte
Nitong halos lahat na ng aspirante
Sa pagka-senador at representante;
Provincial seatssaka sa pagka-alkalde
At pagka-konsehal upang masungkit nyan
Ang puso ng masa sa pamamagitan
Ng mga pangako na nakasanayan
Na nilang bigkasin sa harap ng bayan,
Sa tuwing sasapit ang kapanahunan
Ng pangangampanya’t bago maghalalan.
Di ko ninanais sabihing ang lahat
Na ng pulitiko’y iisa ang tabas
Ng kanilang dila at uri ng karat,
Pagkat mayrun pa rin namang sadyang tapat
Sa binibitiwang mga pangungusap
At sa pangako ay marunong tumupad
Pero masasabi kong mapalad tayo
Kung sa sampu’y makapili ka ng tatlo
Na mapanaligan ang salita nito,
Kasi likas na nga sa panahong ito
Sa nakararaming mga pulitiko
Ang kakapusan ng salitang totoo.
O delikadesa sa madaling sabi
Na karaniwan nang naging asal pati
Nitong walang pakundangan sa sarili;
Manalo lamang ay isinasantabi
Ang mga bagay na dapat ikapuri,
Di baleng ulanin ng pintas at sisti.
Dala na rin nitongnaging palasak na
Sa iba riyan itong pangkaraniwan na
Nating sa puntong yan laging nakikita
Sa tuwing panahon ng pangangampanya
Nagagawa pati di kaaya-aya,
Gaya ng bagay na nakaka-irita.
Ikaw ba namang yan ay di maiinis
Kung lagi’t-lagi ng iyong naririnig
Sa araw-araw at sa lahat ng saglit
Ang ‘sound system’ nila sa ating paligid;
Lalo pa’t ang “jingle” nitong ginagamit
Ay animo’y tunog latang pinipitpit.
Kaya imbes yan ay posibleng kalugdan
At umani pati simpatya ng tanan,
Para iboto siya at/o tangkilikan,
Ito’y di malayong maging daan pa yan
Upang ilaglag siya’t tuloy kainisan
Ng mga nasora sa puntong naturan.
Dala na rin nitong ang pagkakilala
Ng ibang botante sa kagaya nila
Ay nagnanais lang na mapuesto sila
Sa gobyerno kahit yan ay magkagasta;
Dahil madali nang magbawi kumbaga
Kapagnahalal ang nagtapon ng pera.
Pagkat likas na nga sa panahon ngayon
Itong kaya lamang sila humahabol
Ay upang ang iba r’yan ay magkaroon
Ng opisyo at/o kaya ng proteksyon
Sa negosyo nila o anong ‘unlawful’
Na aktibidad na ang kita ay ‘millions’
Kaya marapat lang siguro, kabayan
Ang maging mapili tayo sa paghalal
Ng magiging ating opisyal ng bayan,
Sapagkat sa kamay n’yan nakasalalay
Ang kinabukasan ng ating Inangbayan
Na siyang unang dapat isaalang-alang
Sa ating pagboto sa Mayo atrese,
Upang di muli’t-muling mangyayari
Na tayo lagi na itong bandang huli
Itong ika nga ay alipin ng sisi;
Kapag tayo’y nakapag-halal ng buwitre
At/o mandarambong sa madaling sabi!