Magbubukid dapat maging handa sa climate change

    475
    0
    SHARE

    Ang magbubukid ay kilalang may abilidad din sa pagtaya ng panahon. Ang abilidad na ito’y bahagi ng kanilang diskarte sa hanapbuhay.

    Ngunit ngayon, tila nahihirapan na ang magsasaka sa pabago-bagong “sumpong” ng panahon – bunsod ng climate change.

    Malaking bagay sa magsasaka ang kaseguruhan sa lagay ng panahon, pabago-bago man ito ngayon.

    Sapagkat panahon ang nagiging sukatan nang pagdedesisyon ukol sa estratehiya nito sa paghahalaman – mula sa pagpili ng itatatanin na variety ng palay halimbawa, hanggang sa pagtutuos sa mga maaaring mga gastusin sa itatanim.

    Tulad ng karaniwang negosyante, hangad ng magbubukid ang kumita. Papaano kaya ngayon ang magiging lagay ng kanilang kabuhayan, ngayong mahirap ang kaseguruhan sa panahon dulot ng climate change?

    Para sa mga staple crops tulad ng palay, mayroon tayong planting schedule: may First Crop, na mula Hunyo hanggang Septyembre; at ang Second Crop ay mula Oktubre hanggang Enero, samantalang ang Third Crop ay mula Pebrero hanggang buwan ng Mayo.

    Sa First Crop inaasahang tigmak sa ulan ang lupa, kaya bahagya lamang, kung meron man, ang gastusin sa krudo para sa patubig. Wala rin masyadong mahigpit na halinhinan sa tubig irigasyon kung sakop ng serbisyo ng NIA ang bukirin.

    Sa Second Crop naman, may dagdag gastos na sa krudo, bagamat malamig-lamig pa ang lupa dahil sa katatapos na tag-ulan.

    Hindi naman lahat ng magsasaka ay nanakakahirit ng Third Crop, iyan ay depende sa tubig irigasyon kung sinuswerteng mayroon.

    Kung walang irigasyon, maaari din namang magtanim, at karaniwa’y monggo, o dili kaya’y mani, dahil hindi gaanong kailangan ng mga ito ang sindaming tubig kumpara sa mais, palay, at ibang kagulayan para mabuhay ay mamunga.

    Batay sa nabanggit na planting schedule, anu-ano ang mga problemang kaakibat ng climate change?

    Una, sa First Crop. Kapag napahaba ang tag-tuyo, at Hunyo na’y nagdaramot pa ang pagpatak nang ulan, hindi agarang masisimulan ang planting season. Kailangang kasing matigmak sa tubig ang lupa para sa land preparation. Kaya apektado na ang buong taon.

    Apektado na ang kita ng magsasaka. Apektado pa ang food production. Hindi tiyak ang food supply.

    Sa Second Crop, kapag napa-ikli naman ang panahon ng tag-ulan, mas malaki ang magiging gastusin sa krudo para sa patubig. Malamang-lamang din ang iringan sa pila sa irigasyon.

    At kapag napatagal naman ang pag-uulan, magkaka-problema sa pagpapatuyo ng butil, bukod pa sa ibang problema sa pag-aani sa kapalayan, at sa magiging kalidad nito.

    Sa panahon ng Third Crop, magkaroon man ng manaka-nakang pag-ulan, hindi gaanong maka-aapekto sa butil. Ang problema nga lang ay kung halamang-ugat tulad ng gabi ang nakatakdang anihin… araykupu!

    Kabalen, mahilig pa naman kayong magtanim ng gabi, o tinatawag na “gandus,” sa Kapampangan, alam na ninyo ang pwedeng mangyari.

    Kaya sobrang may epekto sa kita ng magsasaka ang climate change. Apektado lalo ang food production, kaya hindi matitiyak ang food supply.

    Milyon-milyong magbubukid ang dapat maging maalam at handa sa climate change. Ang Department of Agriculture katulong ang iba’t ibang ahensya ay alam kong nagpapalaganap ng tinatawag na Climate Field School upang mabigya ng climate change education at forecasting ang ating mga magbubukid. 

    May ilan ding mga NGOs gaya ng Rice Watch & Action Network katuwang ang PAG-ASA na naglulunsad ng mga training sa magsasaka at ka-partner ang LGU upang ang kanilang mga municipal development plans ay may nakabalangkas na kahandaan sa climate change. 

    Malaking bahagi ng ating kinabukasan bilang bansa ang nakataya ngayon at umaasa sa kahihinatnan ng agarang pagkilos at paghahanda ng sambayanan sa pagharap mga pagsubok ng climate change.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here