LUNGSOD NG BALANGA — Dumaraing nitong Huwebes, Setyembre 7, at nalulugi na raw ang mga nagtitinda ng bigas sa public market ng lungsod na ito sa Bataan dahil sa pagsunod sa rice price cap na itinakda ng pamahalaan.
Nagsimula ang pagpapatupad ng rice price cap noong Setyembre 5 kung saan ang regular milled rice ay dapat ibenta ng P41 bawat kilo at P45 naman ang well-milled rice.
“Medyo nalulugi na kami dahil ang bigas na P41 ang isang kilo ngayon na dapat P42, pinababa ng piso para makasunod kami sa utos ng pamahalaan. Naggayak na din kami ng tig-P45 ang kilo kahit halos puhunan na lang para makasunod kami sa price ceiling kaya nga lang kakaunti na lang din ang supply namin. Wala kasing makuha sa supplier ng mababang bigas,” sabi ng rice retailer na si Marilou dela Rosa.
“Sana kung magtatagal ang price ceiling, magbigay sila (gobyerno) ng subsidy para kahit paano yung lugi namin sa pagpepresyo sa mababang bigas mabalik. Marami kasing namimili ng presyong P41 at P45,” dagdag pa ni dela Rosa.
Sa loob ng tatlong araw na sumusunod sila sa itinakdang rice price ceiling, sinabi ni dela Rosa na nalulugi na sila ng halos P3,000 dahil mas mabili ang bigas na may mababang halaga.
Samantala, malaki naman ang itinaas ng presyo ng kamatis sa Balanga City Public Market. Ayon kay Elisa Calayag, ang dating benta nila sa kamatis ay P40 bawat kilo ngunit ngayon ay umakyat na sa P150.
Ang kamatis na tinda sa public market ay galing pa sa Nueva Vizcaya at short na raw ang delivery at nag-aagawan kaya tumaas ang presyo.
“Lugi, dahil 1 to 2 days lang hindi na okay ang kamatis. Dapat kapag ngayon namin kinuha, automatically mabenta na namin ito pero kapag kinabukasan pa mas marami na kaming bulok na makukuha na pahirapan na kami maisauli iyon sa pinagkuhanan namin kasi pinagdududahan na kami na hindi nila kamatis yon,” sabi ni Calayag.
“Sobra kaming nahihirapan, sobrang mahal tapos ang tumal kumbaga ang inilalabas namin hindi sulit, hindi na naibabalik talagang wala ng naibabalik sa puhunan. Sumobra ang tumal,” dagdag ni Calayag.
Ito rin ang daing ng ibang tindera, tulad ni Gloria Calara, sa vegetable section ng malaking pamilihang bayan sa Balanga.