Magastos na eleksyon, mitsa ng korapsyon

    522
    0
    SHARE

    Ano ba naman at di pa man talaga
    Sumapit ang takdang araw ng umpisa
    Ng pangangampanya ng mga lokal na
    Kandidato, pero may mga ‘showboat’ na
    Silang nag-iikot sa barangay nila
    Kahit alas sais pa lang ng umaga?
           
    At batid man nilang Marso beinte nuebe
    Ang takdang araw na talagang pupuede
    Nang mangampanya ang para sa Alkalde,
    Vice Mayor, Konsehal at Representante,
    Gobernador, Vice Gob at Board Member pati,
    Ano’t di mahintay ang petsang nasabi?

    Bago isagawa kung ano ang dapat
    Ikilos nang wala silang nilalabag
    Na ‘ruling’ o mga panuntunang batas;
    Nang di magkagasta ng wala sa oras
    Na kaiikot sa ating komunidad,
    Para sa akala ay ika-aangat

    Ng kandidatura laban sa kabila
    Nitong sa maghapon ay nagngangangawa;
    At di na naisip na ang mapapala
    Ay pagkainis ngalang at upasala;
    Ngayo’t komo sila ay hindi sinisita
    Yan kahit bawal ay nilalabag kusa?
       
    Pagkat batid na ngang sa abeinte nuebe
    Nitong buwan ng Marso hanggang Mayo onse
    Ang pangangampanya sa mga botante,
    Na itinakda r’yan ng Comelec bale
    Para sa eleksyon nitong Mayo trese,
    Ano’t bale-wala lang sa mga dyaske?

    Aywan naman dito sa ating Comelec
    Na bagama’t sila ay ‘capacitated’
    Para ipairal itong ‘lawful effect’
    Ng ‘electioneering against all candidates,
    Ay di magawa ng mga ‘commissioners’
    Na makastigo yan o ma-‘eliminate’

    O baka naman yan ay nakatatanggap
    Ng biyaya mula sa kampo ng lahat
    Nitong political parties na maagap
    Dumukot sa bulsa ano pa mang oras,
    Kung kaya kahit na malinaw at dilat
    Ang mga mata n’yan ay mistulang bulag?

    Aywan din kung alam ni Sixto Brillantes,
    Na humigit-kumulang ‘sa eighty five percent’
    Itong ‘violators’ sa mga ‘candidates’
    In so far as the rules and other mandated
    Regulation of his office is the subject,
    But how many of them (to date) have been expelled?

    At kayo naman pong aming mararangal,
    Mababait pati at kagalang-galang,
    Na nagnanais na maglingkod sa bayan
    Ano ang sa inyo aming maasahan,
    Ngayong di pa man ay kayo’y lumulustay
    Ng napakalaking kuwarta sa halalan?

    Saang kamay ng Diyos ninyo babawiin
    Ang di lamang ‘thousands’ na naging gastusin
    Sa ganyang estilo kundi sa kuwarta rin
    Ng pamahalaan kung saka-sakaling
    Ang kandidatura ninyo ay palaring
    Maipanalo sa eleksyong darating?

    Kasi nga kung yan ay sahod n’yo lamang
    Sa panahong inyong ipanunungkulan,
    Iaasang lubos para mabawi yan,
    Langit at lupa ang agwat kung titingnan;
    Kaya suma total, anong kahantungan
    Kundi ng corruption at grabeng nakawan?!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here