Samal, Bataan: Ang bago at magandang munisipyo ng bayang ito ay nagsilbing tanghalan ng masayang “trick or treat” na ginanap nitong Miyerkules.
May tema ang Halloween celebration ng “under the sea” kaya ang bawat opisina ng mga departamento sa munisipyo ay dinisenyuhan na tila nasa ilalim ng dagat at ang karamihan sa mga batang kalahok ay tila mga mermaid, siyokoy at iba pang costume na may kaugnayan sa dagat.
“Under the sea” dahil ang Samal ay mayaman sa mga lamang-dagat tulad ng tahong, talaba, lukan sari-saring isda, alimasag, alamang at capiz shells.
Sina Mayor Alexander Acuzar, Vice Mayor Ronnie Ortiguerra, bisitang si Board member Tony Roman at iba pang opisyal ng pamahalaan ay nakasuot ng aquaman- inspired costume.
Sari-saring regalo ang inihanda ng bawat departamento ng munisipyo na nilibot lahat ng tuwang-tuwang mga bata. Ang nagbabantay sa bawat opisina ay nakasuot din ng “under the sea- inspired” costume.
“Unang-una siyempre ang aking pasasalamat sa pakikiisa ninyo sa araw na ito kasabay ng pag-alaala natin sa mga namayapang mga mahal sa buhay ay sine-celebrate din natin taunan ang ating ‘trick or treat’. Nakakatuwa lang tingnan na ang lahat ay nakikiisa,” panimulang pahayag ni Mayor Acuzar.
“Ginagawa natin ito dahil hindi lang naman panay trabaho at panay aral. Hindi ba kailangan medyo mag-unwind din kahit papaano? Isa itong paraaan para ma-unwind ang mga bata o magkaroon sila ng interaction sa bawat bata din na kasamahan nila at siyempre ang pagbibigay natin ng mga candy ay napakalaking bagay iyan sa mga bata,” patuloy ng punong-bayan. (30)