Home Headlines Mag-inang dolphin nasagip, namatay

Mag-inang dolphin nasagip, namatay

921
0
SHARE
Photo grabbed from web

SAMAL, Bataan — Pinilit masagip ng mga mangingisda ang sinasapantahang mag-inang dolphin sa isang prinsa ng palaisdaan sa tabi ng Manila Bay dito Lunes ng umaga ngunit namatay din ang mga ito dahil sa hindi malamang dahilan.

Sinabi ngayong Martes ni Beatriz Bugay, fisheries technologist sa Samal Municipal Agriculture Office, na sa pagkakaalam niya bottlenose dolphin ang mga namatay.

Dinala umano ng mga mangingisda ang dalawang dolphin sa munisipyo sa pamamagitan ng bangka ngunit halfway pa lang ay namatay na ang mga ito.

“Ang malaki may sugat sa ulo, may matagal nang nakatali na inalis ng mga mangingisda pero naka-imbed na. May mga circular wounds sa katawan na parang nabubulok sa loob. Baka naka-ingest something. Ang maliit may mga sugat din baka dahil sa pagsadsad sa mangrove area,” sabi ni Bugay.

Dagdag ni Bugay na agad nilang ibinaon ang mga dolphin sa eco park ng Samal.

Ayon naman kay Lerio Lojera, ang anak na si Jomar ang unang nakakita sa dalawang dolphin na nakabaon sa putik at sumasabang sa palabas na tubig ng prinsa ng palaisdaan.

“Hindi ako makapaniwala na may dolphin dahil ang tubig dito masama pero ang nakita ko dolphin nga na nakasalalak sa prinsa. Pilit naming inihango para mapunta sa malalim,” sabi ni Lerio.

Maraming sugat, aniya, ang mga dolphin at may tali sa ulo na kanilang inalis kaya tumawag sila sa pulis para malaman kung ano dapat nilang gawin.

Pinadala umano sa kanila ng pulis ang mga dolphin sa munisipyo pero namatay din ang mga ito.

“Mahina na, maraming sugat ang katawan. Kung sa tao parang ketong ang tama sa katawan,” sabi ng mangingisda.

Sinabi ni Lojera na huli silang nakakita ng dolphin sa Samal noong 1995. Napakaraming dolphin ang nakita sa iba’t ibang bahagi ng Bataan noong panahon na iyon.

“Sabi may red tide pero hindi kami naniniwala dahil lahat ng shell kinakain namin, wala naman nangyayari sa amin,” sabi nito sa tanong kung may kaugnayan kaya ang red tide sa pagkamatay ng mga dolphin.

Idineklara ng Bureau of Fisheries na may red tide sa Bataan simula October 28 at bawal kumain, manghuli at magbenta ng shellfish mula sa mga bayan ng Hermosa, Orani, Samal, Abucay, Pilar, Orion, Limay at Mariveles at Lungsod ng Balanga.

Nagpasalamat si Samal Mayor Aida Macalinao sa mga mangingisda dahil sa pagsagip sa mga dophin at nanawagan na ipagpatuloy ang ganitong magandang gawain.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here