PILAR, Bataan- Bumagsak sa kamay ng pulisya ang mag-asawang diumano’y pusakal na drug pusher matapos ang isang matagumpay na drug buy-bust operation Lunes ng tanghali sa Barangay Alauli ng bayang ito.
Kinilala ni Senior Insp. Emelito dela Cruz, Pilar police chief, ang mga suspek na sina Abdurakman, 31, at Norma Pacsa, 31, ng Calapakuan, Subic, Zambales. Nakumpiska sa mag-asawa ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu.
Nasakote diumano ang mag-asawa sa aktong nagbebenta ng shabu at tumatanggap ng bayad sa isang poseur-buyer pagbaba ng mga ito sa Alauli mula sa bus na galing Subic. Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang dalawa.
Inamin ng lalaki na talagang may dala siyang shabu na kinuha niya sa Subic sa halagang P5,000 ngunit ito diumano’y kauna-unahan pa lamang beses niyang ginawa.
“Sinabi ko sa aking asawa na maganda naman ang pa-birthday mo sa akin,” wari’y himutok na sabi ng babae na 31 taong gulang na raw nitong Lunes. Nagagalit umano siya sa asawa at binabawalan niya ito sa masamang gawain.
Pinasunod lamang diumano siya ng asawa sa Bataan dahil nanghihingi siya ng pambili ng diaper, gatas at pagkain para sa kanilang apat na anak sa Subic.