Mag-asawa, nalunod sa dam

    496
    0
    SHARE
    PALAYAN CITY – Patuloy na umaasa ang pamilya ng mag-asawang nalunod sa katubigan ng malawak na Aulo Dam sa lungsod na ito noong Martes ng hapon.

    Ang mga biktima ay nakilalang sina Francisco Valdez,75, at Asuncion,59, residente ng nabanggit na barangay.

    Batay sa ulat, nasa pagitan ng alas-12 at ala-1 ng hapon noong Martes nang maganap ang aksidente habang lulan ng balsang kawayan ang mag-asawa. Patungo umano ang dalawa sa kanilang lupang sinasaka sa Sitio Manggahan, Barangay Mapaet, Palayan City nang oras na yaon.

    Ayon sa mga rescuer, walang makapagbigay ng kumpletong detalye sa kung paano ang nangyari.

    Ayon kay Jepy Destor, mangingisda sa Aulo Dam, palagi nilang nakikita ang mag-asawang Valdez na tumatawid sa naturang dam tuwing pupunta ang mga ito sa bukid. May mga pagkakataon ding nakikisakay ang dalawa sa ibang bangka, ayon kay Destor.

    Ngunit nang maganap ang aksidente, ayon sa kanya, ay walang tao kaya’t walang makapagbigay ng sapat na impormasyon sa pagkalunod ng mga biktima.

    Ayon sa mga residenteng malapit sa lugar, ito ang kauna-unahang pagkakataon na may nabalitang nalunod doon simula nang gawin ang dam, ilang taon na ang nakararaan. Panatag naman daw lagi ang tubig ng dam.

    Sinabi ni Jemmalyn Cruz, 25, anak ng mga biktima, na nagulat na lamang sila nang makatanggap ng balita sa pamamagitan ng text message na nalunod ang kanyang mga magulang.

    Pinuna niya na tila walang tiyaga umano ang rescuer sa paghanap sa katawan ng mga biktima.

    Idinadaing umano ng mga rescue operatives ang kalabuan at masamang amoy ng tubig kaya’t hindi tumagal ang mga ito sa paghahanap.

    Sa ngayon ay walang magawa ang mga kaanak ng biktima kundi umiyak habang hinihintay ang resulta ng paghahanap sa bangkay ng mag-asawa.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here