MARILAO, Bulacan—Bilang pagtugon sa lumalalang problema sa polusyon at mataas na presyo ng gasolina ay inilunsad ang kauna-unahang de-kuryenteng tricycle o electric tricycle (E-trike) sa bayang ito noong Lunes ng umaga, Nobyembre 10.
Ang E-trike ay dinisenyo at minodify mula sa isang regular na tricycle ng mag-amang Antonio at Municipal Councilor Allan Aguilar ng Barangay Lias sa bayang ito.
Ayon sa mag-amang Aguilar, ang E-trike ay pina-aandar ng apat na 12 volts rechargeable batteries na tumatagal ng walong oras at tumatakbo sa habang 80 hanggang 100 kilometro.
Anila, ang charging time para sa mga baterya ay umaabot lamang ng 2 hanggang anim na oras.
Gaya ng ordinaryong tricycle, ang E-trike ay nakapaglululan ng apat na pasahero at may bilis na 30 hanggang 40 kilometro kada oras.
Ang naimbentong E-trike ay may halaga na umaabot ng P150,000 hanggang P175,000, kasama ang mga aksesorya tulad ng battery charging kit, watt hour meter, ampere/voltage meter at built in automatic overcharge protection timer.
Ayon sa mag-amang imbentor, malaki ang maitutulong ng E-trike upang maprotektahan ang kapaligiran dahil sa ito ay hindi gumagamit ng gasolina at langis kayat walang usok at ingay.
Ayon kay Konsehal Aguilar, naitala ng DOTC ang hindi bababa sa 2.8 million tricycles sa buong bansa at ang mga ito ay maituturing na pangunahing contributor ng air at noise pollution.
Aniya, bukod sa tulong sa kalikasan ay malaki ang matitipid kung E-trike ang gagamitin sa pamamasada.
Ipinaliwanag pa niya na umaabot lamang sa P20 hanggang P25 ang magagastos sa kuryente ng pagkakarga ng E-trike kumpara sa P200 hanggang P250 gastos sa gasolina ng isang ordinaryong tricycle sa pamamasada sa bawat araw.