ABUCAY, Bataan- Nasa kritikal na kalagayan ang ama samantalang matindi rin ang sugat na tinamo ng kasakay na anak na babae matapos mabangga ng isang kotse ang sinasakyan nilang tricycle sa bahagi ng Roman Superhighway sa bayang ito Miyerkules ng gabi.
Bumaligtad ang yuping- yuping tricycle na dala ni Dionisio Celso, 56, at kasakay na anak na si Jannet Anlyn Garcia.
Ang mag-ama ay naninirahan at galing sa Orani, Bataan. Isinugod ang magama sa Bataan General Hospital sa Balanga City. Matapos mabangga ang sinusundang tricycle, binangga nito ang gilid ng sinusundan ding pampasaherong Genesis bus. Wasak ang unahan at gilid ng kotse at natanggal ang gulong nito sa bumagsak na rim.
May yupi sa kanang bahagi ng katawan ng bus. Tumangging magsalita ang driver ng kotse na si Rosalyn Dula, 27, ng Balsik, Hermosa, Bataan. Hindi siya nasaktan ganoon din ang kanyang kasamahan. Ayon kay Ruben Rivera, driver ng Genesis bus, okay lang ang takbo niya na 60 kph. “Nagulat ako nang may kumalampag sa gilid ko.”
“Nag-overtake siguro ang kotse sa kanan ko, nabulaga sa tricycle at dahil mabagal ang takbo ko tinamaan nito ang tricycle,” sabi ng bus driver. Matapos, aniyang, banggain ang tricycle, binangga naman ng kotse ang gilid ng sasakyan niya. Walang nasaktan sa pampasaherong bus.