mag-aaklas sa pagka-alis ng fuel subsidy

    422
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Nagbanta ng pag-aaklas ang magsasakang Bulakenyo matapos maunsyami ang pangakong subsidiya ng Malacañang.

    Ayon sa mga magsasaka, magsasagawa sila ng mga kilos protesta sa lansangan, samantalang ang iba ay nagsabing magtatanim na lamang sila ng sapat sa kanilang pamilya.

    Ngunit ilang mas malalamig ang ulo ang nagsabing magsusumite muna sila ng resolusyon sa mga lokal na kongresista upang mamamagitan sa kanila.

    Kaugnay nito, sinabi ng ilan na kung liliit ang produksyon ng magsasaka, lalo namang tatas ang aangkating produktong pang-agrikultura ng pamahalaan at posibleng lalong mamayagpag ang smuggling.

    “Pinaasa lang kami ng Malakanyang, kaya ang payo ko ay mag-rally na kami,” ani Melencio Domingo, ang tagapangulo ng Malolos City Agriculture and Fisheries Council (CAFC).

    Sinabi rin niya na ipinayo ni Roger Macasu ng San Miguel na magtatanim na lang sila ng sapat sa kanilang pamilya.

    Ngunit sinabi ng pamunuan ng Provincial Agriculture and Fisheries Council (PAFC) na ang nasabing hakbang ay magpapaigting ng importasyon at smuggling ng produktong bukid.

    Ang simbuyo ng damdaming magsasakang Bulakenyo ay hatid ng pagka-unsyami ng planong pagbibigay ng subsidiya sa kanila batay sa pahayag ng Malakanyang na hindi matukoy ang bilang ng mga magsasaka.

    “Ang nakapagtataka, hindi nila kami kinikilala, nakapagsubmit na kami ng masterlist.  Ngayon, tiyak na kami ang sisihin ng mga magsasaka,” ani Domingo.

    Para kay Roger Apostol, pangalawang pangulo ng PAFC-Bulacan, isang dagok sa magsasaka ang desisyon ng Malakanyang.

    “Nalulungkot kami sa pagbawi ng subsidy para sa mga magsasaka, samantalang kami ang may pinakamahalagang role na ginagampanan sa lipunan,” ani Apostol.

    Sinabi niya na, “mula sa pinakahamak na pamilya hanggang sa pinakamayaman, nakadepende sa produksyon ng magsasaka ang pagkain, pero ayaw kaming bigyan ng subsidy ngayon.”

    Binatikos din niya ang di pantay na pagtingin ng Malakanyang sa mga driver at mga magsasaka.
    “Imagine, yung mga drivers, kapag namasada sa umaga, sa hapon may kita na; kaming magsasaka, apat na buwang nagtatanim ng palay saka pa lang kikita, ang pinakamabilis naming maitanim at anihin ay pechay, pero isang buwan yon bago kami mag-ani,” aniya.

    Iginiit pa ni Apostol na, “kung yung mga driver ay binibigyan ng subsidy, dapat kaming magsasaka ay bigyan din.” 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here