LUNGSOD NG MALOLOS – Magiging “madugo” ang pagdiriwang sa Mayo 12 ng ika-49 na kaarawan ni Bulacan Vice Governor Daniel Fernando dahil sa hiniling niya sa mga kaibigan na mag-donate ng dugo ngayong Miyerkoles.
Kaugnay nito, inilahad ng binatang aktor na naging pulitiko, ang kanyang nag-iisang hiling sa kanyang kaarawan na “sana’y magka-asawa” na siya.
Ang isang araw na pagdodonasyon ng dugo kaugnay ng ika-49 na kaarawan ni Fernando ay isasagawa sa Bulacan Capitol Gymnasium simula alas-8 ng umaga.
“I wish to extend life of others through this project,” ani Fernando at sinabing ang maiipong dugo ay ilalagak sa Bulacan Blood Bank.
Tinatayang aabot sa 200 katao ang magdodonasyon ng dugo na ayon sa bise gobernandor ay makatutugon sa pangangailangan ng mga Bulakenyong nangangailangan nito.
Para naman matiyak na may magiging sapat na suplay ng dugo sa Bulacan Blood Bank, sinabi ni Fernando na plano nila na magsagawa ng regular na blood letting activities.
Si Fernando ay isinilang noong Mayo 12, 1962 sa Tabang, Guiguinto at bininyagan bilang Cesar F. Ramirez.
Bilang binata, sinabi niya na ang tanging hiling niya sa kanyang kaarawan ay “sana, magka-asawa na ako.”
Iginiit niya na matagal na niyang nais mag-asawa, ngunit wala raw magkamali na babae.
Hinggil naman sa katangian ng babae na kanyang hanap, pabirong sinabi ng bise gobernador na “di baleng maganda at sexy.”
Ngunit nagseryoso din siya at sinabing, “actually, kailangan ko yung makakatulong sa pagharap sa mga tao at sa mga responsibilidad ko as vice governor.”
Si Fernando ay nagsimula sa pulitika bilang tagapangulo ng Sangguniang Kabataan noong dekada 80, ngunit di nagtagal ay pumasok sa mundo ng pelikula kung saan ay nagsimula siya sa pelikulang “Scorpio Nights I.”
Noong 1998, kumandidato siyang bise alkalde ng Guiguinto ngunit natalo; at noong 2001 nagwagi siya bilang Bokal ng ikalawang distrito ng lalawigan. Muli siyang nahalal sa nasabing posisyon noong 2004.
Noong 2007, kumandidato siya bilang bise gobernador ngunit tinalo ni dating Kinatawan Willy Alvarado na ngayon ay gobernador ng Bulacan, na kanyang nakatambal sa 2010 automated elections.


