Madlum River Tragedy
    Patong-patong na kaso isinampa laban sa BulSU

    367
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Pormal nang nagsampa ng kaso ang mga pamilya ng mga estudyanteng nabiktima sa malagim na trahedya na nangyari sa Madlum River sa Barangay Sibul, San Miguel Bulacan.

    Ang mga kasong inihain sa Ombudsman ng mga pamilya ay multiple counts of reckless imprudence, resulting to homicide and psychological trauma, multiple counts of violation of RA 7610 (Child Abuse), violation of RA 3019 (Graft and Corruption), multiple counts of grave misconduct at multiple counts grave neglect of duty.

    Akusado sa kaso sina Dr. Mariano De Jesus, presidente ng Bulacan State University (BulSU) at walo pang mga opisyal ng nasabing unibersidad; Erwin Valenzuela, ang may ari ng Adventours; ang dalawang estudyante na umano’y nagsilbing “gabay tour guide” mula sa College of Tourism ng BulSU at tatlong Madlum tour guide pa mula sa Barangay Sibul.

    Ayon kay Atty. Juvic Degala, isa sa mga abugado ng pamilya ng mga biktima, magkasama nang inihain sa Ombudsman ang kasong kriminal at administratibo nang sa gayon ay sa iisang hukuman na lamang ito didinggin.

    Ayon kay Prima Landayan, ina ng namatay na si Michelle Ann Bonzo, nais nila ng katarungan sa pagkamatay ng mga estudyanteng ito kayat nagsampa na sila ng demanda. Gusto daw nilang managot ang mga sangkot dito at gusto nilang makamit ang hustisya.

    Sa ngayon ay kampante na daw sila pansamantala at naisampa na nila ang kaso. Hihintayin na lamang daw nila ang mga magiging pagdinig ng Ombudsman sa isinampa nilang kaso. Samantala, hindi nagbigay ng pahayag ang pamunuan ng Bul-SU ukaugnay ng kaso na isinampa laban sa kanila.

    Hindi pa rin nagbibigay ng pahayag ang Adventour Xchange Travel Tours sa nasabing kaso.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here