KUNG MAY matibay na ebidensya laban
kina Enrile, Bong, Jinggoy at iba pang
anila ay sangkot sa ma-anomalyang
paggamit sa PDAF sa kaparaanang
Lihis sa dapat na pag-gamitan nito,
ano’t di agapan ng rehimeng Aquino
ang pagsasampa ng kaukulang kaso
laban sa kahit sinong taong-gobyerno
At kung ang DOJ ay may matibay na
ebidensya para ipadakip sila,
gawin na kaagad ni Leila de Lima
ng ika nga’y wala ng maraming blabla.
Kundi ang marapat na alituntunin
at na-aayon sa batas ang susundin,
kapartido man o kalaban ng ating
Pangulo ang dawit sa ganyang usapin
Partikular na riyan sa nakatataas
na opisyal nating mga mandurugas,
kabilang na rito ang naging kasabwat
ni Ginang Napoles diyan sa itaas
Na inaasahan nating maglilingkod
sa’ting Inangbayan ng tunay at puspos
ng kalinisan at ginintuang loob,
pero mayrun palang nakatagong bulok
Ang nakararami liban sa posibleng
damay pati na ang ilang magagaling
na Secretaries ng Pangulo po natin
kapag ang kaso ay sinimulang dinggin.
Dangan nga lang itong marapat umaksyon
para mabigyan ng ‘due investigation’
ang ganyang isyu ay laging usad pagong
naman din kung kaya mahirap mahabol
Ang itinuturong mga “Ali Baba”
sa kaban ng bayan kung kaya bago pa
makasuhan ang posibleng nagkasala,
nakapuslit na ang iba sa kanila.
Kaya magka-minsan ng dahil sa ganyan
na animo ay ‘take for granted’na lamang
sa iba ang bitbit nilang katungkulan,
marami ang hindi n’yan nagagampanan
Ng wasto at sadyang siyang nararapat
harapin ng laang maglingkod ng tapat
sa tungkuling bilang ‘trusted public servant,’
dala marahil ng sila’y nangingnilag
O takot tumayo para patunayan
ang nagdudumilat na katotohanan,
sanhi na rin nitong takot lumantad d’yan
ang iba kahit na mayrung nalalaman.
At ang isang bagay na kapuna-puna
ay ang pangyayaring pawang di kasanga
ni Pnoy ang tila iniipit nila,
kundi ang kakampi lamang nitong iba
Gaya halimbawa ng tao ni Binay,
ng kapanalig ng mga Macapagal,
ni Marcos at iba pang nagnanasa riyan
na makapagsilbi rin sa Malakanyang.
At kung saan mandin kapagka di kabig
ni PNoy itong sa problema sumabit,
ang pagpapalabas ng utos mabilis
para pigilin ang balak na pag-alis
Gaya nitong isyu kay Pangulong Gloria,
na ni pagdalaw sa sariling probinsya
nii Madam ay lubos tinutulan niya,
gayong suspek pa lang sa kung anong habla.
Pero katulad nga ng ating tinuran,
kapagka kasangga maluwag ang daan,
At kung papansinin sangga-sangga na lang
itong sa Palasyo ngayon umiiral?!