HAGONOY, Bulacan—Pinag-aaralan na ng the Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa) ang napapadalas na pananalasa ng buhawi sa Bulacan.
Ito ay matapos na muling manalasa sa bayan ng San Miguel noong Lunes ang isang buhawi na sumira sa mahigit 50 bahay.
Ayon kay Hilton Hernando ng Pampanga River Flood Forecasting and Warning Center (PRFFWC), mula pa noong 2007 ay nagsagawa na ng pag-aaral ang Pagasa sa mga buhawing nananalasa sa lalawigan.
Ang PRFFWC ay isang dibisyon ng Pagasa, at bahagi rin ng Department of Science and Technology (DOST).
“Hindi pa namin matiyak kung epekto ito ng climate change, pero isa iyon sa kinukunsidera ng Pagasa,” ani Hernando bago siya magsalita sa talakayan hinggil sa paghahanda sa kalamidad sa bayang ito na pinangunahan ng Provoincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) at National Power Corporation (Napocor) kahapon.
Iginiit pa ni Hernando na malaki rin ang posibilidad na ang madalas na pag-uulat ng pananalasa ng buhawi ay dahil sa mas mabilis at madaling pagbabalita ngayon hatid ng makabagong teknolohiya.
“Posible rin na mas maganda ang reporting system natin ngayon kaya mas madalas napapaulat ang insidente ng buhawi, di katulad noong mga nakaraang taon,” aniya.
Ayon kay Liz Mungcal, hepe ng PDRRMO, umabot sa mahigit 50 bahay ang napinsala ng pananalasa ng isang buhawi sa mga barangay ng Penambaran at King Kabayo sa bayan ng San Miguel noong Martes, Mayo 22, bandang ikatlo ng hapon.
Sinabi pa ni Mungcal na walang nasaktan sa insidente ngunit umabot sa 90 pamilya ang apektado ng buhawi at agad na ring nagpahatid ng ayuda ang pamahalaang panglalawigan sa mga biktima.
Bukod sa nasabing pananalasa, kinukumpirma pa ng PDRRMO ang diumano’y katulad na pananalasa ng buhawi sa bayan ng Hagonoy noong Mayo 19 ng gabi.
Matatandaan na mula noong 2007 ay sunod-sunod ang naging pananalasa ng buhawi sa lalawigan ng Bulacan.
Kabilang sa mga sinagasaan ay ang mga bayan ng Bustos, Baliuag, San Rafael, at San Miguel noong 2007.
Nasundan pa ito ng pananalasa sa bayan ng Balagtas at Bocaue noong 2008, at sa bayan ng Bustos noong 2010.
Noong nakaraang taon, dalawang beses na sinagasaan ng buhawi ang bayan ng Calumpit; at ang bayan ng Hagonoy ay sinagasaan din.