Pila ng mga sasakyan tungo sa isang frontliner nang nagsasagawa ng swab test sa kauuna-unahang drive-through testing area sa Bulacan. Kuha ni Rommel Ramos
GUIGUINTO, Bulacan — Binuksan na ang kauna-unahang drive-through Covid-19 swab testing sa lalawigan na may mura at mabilis na proseso na programa ng League of Municipalities of the Philippines Bulacan Chapter at pribadong medical group.
Ang mga nagpapa-swab test ay hindi na bababa ng kani-kanilang mga sasakyan sa mas mura na halagangP3,500 kung ikukumpara sa ibang Covid test.
Ang mga makokolektang specimen naman ay dadalhin sa Joni Villanueva Molecular Laboratory sa bayan ng Bocaue na tatagal ng isa hanggang dalawang araw bago lumabas ang resulta.
Paliwanag ni Cenon Mayor, facility administrator ng Joni Molecular Laboratory, kaya nilang magproseso ng swabbing ng 1,500 hanggang 2,000 specimen kada araw.
Bukas ito mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon mula Lunes hanggang Linggo.
Tiniyak ni Mayor sa publiko na 100 percent accuracy ang resulta ng mga Covid-19 test dito.
Layunin nila na mas marami ang ma-test nang sa gayon ay mabilis na matukoy ang mga tinamaan ng sakit at agad na ma-isolate upang magamot at hindi na makahawa pa.