LUNGSOD NG BALANGA — Dinarayo pa rin tulad nitong Sabado ang mabatong ilog sa Barangay Tanato sa lungsod na ito upang pasyalan at paliguan sa pagtakas sa matinding init gayong medyo bumabaw na ang tubig dito.
Sa pagitan ng mga malalaking bato kung saan may tila nakulong na tubig, masayang lumalangoy ang mga bata at matanda man. May ilan pang bata ang nanghuhuli ng isda.
“Malamig ang sinoy ng hangin, komportable, malamig ang tubig, maganda ang paligid,” sagot ni Marites Barde ng Pilar, Bataan sa tanong kung bakit siya pabalik-balik sa lugar.
“Kaya nga lang parang bumabaw hindi katulad noong dati,” sabi ni Barde na tatlo o apat na beses na raw siyang napapasyal sa ilog.
Sinabi ni Elvira Landicho, caretaker ng Tanato River Park na nasa ilalim ng barangay, P20 lang ang bayad sa pagpasok dito samantalang ang mga open huts ay P200 – P500 depende sa laki. Bukas ang park mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
“Bumabaw ang tubig kasi tag-araw. Hindi pa naman umaabot sa natutuyo hanggang parang tuhod na lang ang tubig ng ilog ngayon. Dati malakas siya gawa ng dam sa itaas,” sabi ni Landicho.
Dati-rati, waring umaawit ang agos ng tubig sa ilog habang dumaraan sa pagitan ng mga bato.
Samantala, ang isang bahagi ng Tanato River na walang entrance fee ay dinarayo rin.